Inihayag ni Kapuso "OST Princess" na si Hannah Precillas na gagamitin niya ang kaniyang napanalunan sa Indonesian singing competition na Dangdut Academy Asia 5 para sa kidney transplant ng kaniyang ina.
Sa panayam sa kaniya ng showbiz reporters sa GMA Network nitong Lunes, sinabi ni Hannah na kinonsulta niya ang kaniyang ina kung itutuloy niya ang pagsali sa nabanggit na singing contest.
"At first nagdalawang-isip ako na... 'Ipu-push ko ba?' So I had to ask my mom na, 'Mama, ano ba, pupunta ba akong Indonesia, okay lang ba sa 'yo?' She said 'Yes why not try? Kasi kumbaga ibang stage naman 'yan, ibang career.' Sabi niya, 'Subukan mo lang,'" kuwento ni Hannah.
Ang kaniyang ina raw ang nagsilbing lakas ni Hannah kaya susuklian niya ito sa pamamagitan ng pagtulong sa gastusin sa pagpapagamot.
"Tapos she gave me hope na 'Kayang kaya mo yang talunin, kaya mo sila, magaling ka.' So pinush (push) ko na 'yung sarili ko na, 'Oo nga naman.' Kasi my number one goal is to help my mom for her kidney transplant. So sabi ko na, 'Oo nga bakit nga naman hindi ko subukan na kung manalo, kahit man lang hindi first, hindi second, basta 'yung third okay na sa akin," sabi ng singer.
Third place sa Dangdut Academy Asia 5 si Hannah, at tanging Pinoy na natira sa grand finale ng kompetisyon.
Inamin ni Hannah na isa siya sa mga "underdog" ng kompetisyon, dahil kailangan pa niyang aralin at kunin nang tama ang mga tono, pagbigkas at technique ng mga kantang Bahasa.
Hindi naman inakala ni Hannah na magagawa niyang matutunan ang nasa 20 kanta sa Bahasa sa maigsing panahon.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
