Dumating na sa bansa ang mga labi ng Pinay domestic helper na pinaniniwalaang namatay sa pambubugbog ng kaniyang amo sa Kuwait. Kasabay nito, tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tutukan nito ang kaso ng OFW.

Sa pahayag ng DFA nitong Miyerkoles, sinabing dumating sa bansa ang mga labi ni Jeanelyn Padernal Villavende, kaninang hapon sa Pilipinas.

Ayon sa pahayag, kumuha ang DFA ng "top-notch" criminal lawyer sa Kuwait para humawak sa kaso ni Villavende para matiyak ang maibibigay sa kaniya ang hustisya.

"An eye for an eye, a life for a life," saad sa pahayag na dating nabanggit ni DFA Secretary Teddy Locsin Jr. sa kaniyang Twitter post.

Nananatili pa umano sa kulungan ang mag-asawang amo ni Villavende.

Sa isang radio report, sinabing magsasagawa ng hiwalay na awtopsiya ang National Bureau of Investigation sa mga labi ni Villavende.

Gagawin ito kahit pa isinailalim na sa awtopsiya ang mga labi ng OFW sa Kuwait kung saan lumitaw na dumanas ng matinding pananakit ang biktima.

Sa death certificate mula sa Kuwaiti hospital, nakasaad na pumanaw si Villavende dahil sa “shock and multiple injuries vascular nervous system [sic].”

Sa pahayag ng DFA, sinabi nito na nakatanggap ng P100,000 financial assistance ang pamilya ng OFW bilang tulong sa gastusin sa pagpapalibing kay Villavende.

Patuloy umanong magbibigay ng legal na tulong at iba pang ayuda ang DFA hanggang sa makamit ni Villavende ang hustisya.

Nagpatupad na ng partial ban ang pamahalaan ng Pilipinas sa pagpapadala ng mga bagong OFW sa Kuwait hangga't hindi nakakasuhan ang mga suspek sa pagpatay kay Villavende.--FRJ, GMA News