Mahigit 180 reclamation projects ang isinusulong ngayon sa iba't ibang bahagi ng bansa. Sa kabila ng sinasabing pag-unlad na maidudulot nito, ano naman kaya ang kapalit, katulad ng epekto sa kalikasan?

Sa "Reclamation Nation" na dokumentaryo ni Atom Araullo sa "i-Witness," ipinakita ang Phase 2 ng Coron Bay Development Project sa Coron, Palawan, kung saan 22 ektarya ng lupa ang itinambak sa baybaying dagat.

Proyekto ito ng provincial government kasama ang dalawang pribadong developer, na planong tayuan ng iba't ibang gusali ( gaya ng mall, condominium, hotel at casino) ang ni-reclaim na bahagi ng karagatan na tinabunan ng lupa.

Taong 2020 nang simulan ang pagtatambak sa lugar sa kasagsagan ng mga lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa panig ng mga mangingisda, tutol sila ngunit walang magawa sa pagsulong ng reclamation site. Naapektuhan umano ang dami ng kanilang huli, at bumaba ang uri ng mga isda at maging ang timbang ng mga ito.

Ang itinuturong dahilan kaya naapektuhan ang mga isda, ang siltation o deposito ng lupa o putik sa dagat dahil sa reclamation. Napinsala raw ang mga bahura, bakawan at sea grass ecosystems na tahanan ng mga isda at iba pang lamang dagat.

Habang sa magkaroon ng desisyon ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na ipatigil ang naturang proyekto dahil sa nakita umanong mga paglabag.

Ngunit maliban sa karagatan, nag-iwan din ng iba pang pinsala ang proyekto, tulad sa mga quarrying site, o bundok na kinalbo para kunin ang lupa at gawing panambak sa reclamation area.

Dahil sa quarrying, natuyo raw ang bahagi ng lugar na pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka para sa tubig. Wala na ring naisagawang rehabilitasyon sa kinalbong bundok kaya may banta rin ng landslide dahil sa paglambot ng lupa.

Sa Coron, Palawan pa rin, itinatayo ang bagong palengke ng bayan sa lupa na ibinigay sa probinsya ng may-ari ng isa sa mga developer ng Coron Bay Development Project.

Sa kabila ng mga nagaganap na reklamasyon, marami pa rin umanong mga residente ng Coron na magtiis at patuloy na naninirahan sa lugar na masikip o marumi.

Ayon kay ni Engr. Ernesto Mercado, dating vice mayor ng Makati at tagapangulo ng isa sa mga developer, nasa proseso na sila ng pagkompleto ng requirements nang ipatigil ang proyekto.

Umaapela ang grupo nina Mercado na maibabalik sa kanila at maipagpapatuloy ang proyekto.

Ang  Philippine Reclamation Authority naman, iginiit na hindi dapat inumpisahan ang reclamation kung kulang pa sa requirements. Wala rin umanong halong politika sa likod ng kanilang utos na ipatigil ang reclamation.

Bukod sa Palawan, isinasagawa rin sa Bulacan, Bulacan ang pinakamalaking reclamation project sa bansa na New Manila International Airport.

May lawak itong 2,500 hectares na planong itayo ang isang world-class airport na may target na 100,000,000 pasahero kada taon. Layon nito na matugunan ang air traffic congestion, makalikha ng maraming trabaho, at magpalakas ng lokal na ekonomiya.

Gayunman, tinututulan ito ng mga mangingisda, na malaking perwisyo sa kanilang kabuhayan.

Sinabi rin ng mga environmentalist na malaki ang negatibong impact ng reclamation sa kabuuang ecology ng isang lugar, dahil maraming nasisirang kalikasan.

Papaano nga mababalanse ang biyaya at kapalit ng mga reclamation project? Tunghayan ang malalawak na reclamation project gaya ng Manila Solar City na mistulang isang malaking isla sa gitna ng Manila Bay. Panoorin. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News