Arestado at nahaharap sa patong-patong na reklamo ang isang lalaki na nagwala matapos umanong maingayan sa busina ng motorsiklo sa Divisoria sa Maynila.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV Balitanghali nitong Lunes, makikita sa video footage ang suspek na hinahabol ang nakaalitan niyang lalaki at itinumba ang motorsiklo nito sa daan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Alvin Christopher Baybayan, Commander, Mariones Police Station, nagalit umano ang suspek dahil sa ingay ng motorsiklo at jeep.
Pero paliwanag ng nakadetineng suspek, nakasakay siya sa jeep pero busina nang busina umano ang nakasunod sa kanila.
"Sinabihan ko po 'gusto mo bang magmadali lagyan mo ng pakpak at paliparin mo.' Doon po siya nagalit. Tapos pinapaakyat niya po hinahamon niya ako," pahayag ng suspek.
Ngunit kahit dumating na ang mga pulis, ayaw pa ring magpaawat ng suspek sa pagwawala at nagpakilala umano itong pulis.
Tinangka pa raw ng suspek na dating security guard, na agawin ang baril ng pulis, at manuntok ng awtoridad.
Ayon kay Baybayan, iyon umano ang dahilan kaya inatake ng mga tao ang suspek.
Kahit nasa presinto, agresibo pa rin umano ang suspek at nagbabantang mandudura.
Sinabi ni Baybayan, nang kumalma ang suspek, inihayag nito na mayroon siyang problema sa pamilya.
Gayunman, itinanggi ng suspek na nanuntok siya ng pulis at nagtangkang mang-agaw ng baril.
Patong-patong na reklamo ang kakaharapin ng suspek kabilang ang alarm and scandal, resistance and disobedience to person in authority, usurpation of authority, at direct assault.-- FRJ, GMA Integrated News