Nakuryente ang dalawang batang lalaki na gumamit ng copper wire sa pagpapalipad ng saranggola matapos itong sumabit sa kawad sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, sinabi ng pulisya na isa sa mga bata ang napaso sa paa samantalang nasugatan naman sa kamay ang kaniyang kalaro.

Lumabas sa imbestigasyon na copper wire ang ginamit ng mga bata bilang tali sa kanilang saranggola.

Isinugod sa pagamutan ang mga bata, na nagpapagaling na sa kanilang mga bahay.

Sinisikap pa ng GMA Regional TV na kunin ang pahayag ng pamilya ng dalawang bata. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News