Isang duguang bangkay ng babae ang nakita ng mga residente sa gilid ng daan malapit sa isang mini dam sa Barangay San Francisco, Bugallon, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na edad 20 ang biktima na residente sa Barangay Salomague Sur.

Sa paunang imbestigasyon, hinihinala na pinatay sa ibang lugar ang biktima na iniwan lang sa lugar kung saan ito nakita.

Inaalam pa kung ano talaga ang ikinamatay ng biktima, habang hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamilya ng babae.

Ayon kay Police Lieutenant John Zacarias, operations officer ng Bugallon Police Station, mayroon na silang persons of interest sa kaso.

“Meron na po tayong persons of interest na tinutumbok. Mga follow-up na lang po ng mga imbestigador hanggang sa matumbok natin po iyong kung sino po iyong may kagagawan nito,” sabi ni Zacarias. -- FRJ, GMA Integrated News