Hiniling ng Department of Health (DOH) na magdeklara ng national public health emergency dahil sa paglobo ng human immunodeficiency virus (HIV) cases. Ang mga pangunahing tinamaan ng virus, mga nasa edad 15 hanggang 25.
Sa isang video message na naka-post sa Facebook, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na 500% ang itinaas ng HIV cases sa bansa.
Mas malaking problema umano ng bansa ang HIV kaysa sa Mpox.
"Five hundred percent increase po tayo ng HIV cases sa mga edad 15 hanggang 25. In fact, ang pinakabatang na-diagnose natin ay batang 12-anyos sa probinsiya ng Palawan," ayon sa kalihim.
"Sa datos natin tayo na ang pinakamataas na new cases sa Western Pacific Region. Ang nakakatakot lang maraming new cases sa ating kabataan," dagdag niya.
Kung hindi magbabago ang datos ng pagtaas, nangangamba si Herbosa na aabot sa 400,000 Pinoy ang magkakaroon ng HIV sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, mayroon umanong 148,831 HIV cases sa bansa.
Ayon sa DOH, sa unang tatlong buwan ng 2025, mayroong 5,101 HIV cases ang nakumpirma sa bansa. Mas mataas ito sa 3,409 na kumpirmadong kaso na naitalaga sa kaparehong panahon noong 2024.
Paliwanag ng DOH, lumalabas na may 57 na bagong HIV cases ang naitatala araw-araw mula noong Enero hanggang Marso.
"Kaya maganda na magkaroon tayo ng national public health emergency for HIV dahil magtutulong-tulong ang buong lipunan, whole of society and whole of government can help us in this campaign na mapababa ang new cases of HIV," sabi ni Herbosa. --mula sa ulat ni Llanesca Panti/FRJ, GMA Integrated News
