Sinagot ng bagong hirang na Philippine National Police (PNP) chief na si Police General Nicolas Torre III, ang puna ni Davao City vice mayor-elect Sebastian Duterte, na ginawa siyang pinuno ng kapulisan at itinaas ang ranggo bilang 4-star general kahit 2-star general lang siya.
Sa press briefing nitong Miyerkoles, sinabi ni Torre na dapat balikan ni Baste ang panahon ng administrasyon ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, nang hirangin nito na unang PNP chief ng kaniyang administasyon ang senador na ngayon na si Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Torre, 1-star general noon si dela Rosa (police chief superintendent) pero pinili ng nakatatandang Duterte na PNP Chief noong 2016.
Dahil sa pagiging PNP chief, itinaas ang ranggo ni dela Rosa sa 4-star general o pag-angat ng tatlong ranggo.
“Okay. I just respect his decision and I respect his opinion. And rewind-rewind lang nang kaunti sa termino naman ng Tatay niya kung sino ang unang Chief PNP, okay," ani Torre.
“Ano ang ranggo ng unang Chief PNP [ng tatay niya] at ano ang ranggo ko bago ako naging Chief PNP? So, it really goes back to him really. Seriously speaking it goes back to him, okay. The first Chief PNP of his father is a one-star na naging automatic four-star. Did he ask that? Did he question that?,” dagdag niya.
Bago hinirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes bilang PNP chief at itinaas ang ranggo sa 4-star general, hawak ni Torre posisyon bilang 2-star general na police major general.
Pinalitan ni Torre sa posisyon si Police General Rommel Marbil, na magtatapos sa June 7 ang pinalawig na termino.
Samantala, ginawa ni Baste ang pagpuna sa pagkakatalaga ni Marcos kay Torre bilang PNP chief sa birthday celebration ng kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte noong Sabado sa the Hague sa Netherlands, kung saan nakadetine ang kanilang ama.
Ayon kay Baste, hinirang si Torre bilang PNP chief hindi dapat sa merito.
“Government ngayon is not based on merit but tingnan niyo ano nangyari. You have a chief PNP na tatlong ranggo ang tinalunan para maging chief PNP. It's because this is not merit-based promotion. Pabor-pabor-based promotion,” sabi ni Baste.
“Nobody in their right mind would do what he did, yung sinakay niya [Torre] si PRRD sa eroplano, because he is a police officer. He knows the due process. Kung nag-iisip talaga yun, kung sakto yung utak niyan. Tignan mo bagsak sa [neuropsychiatric exam] yan, sigurado ako,” dagdag niya.
Si Torre ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nanguna sa pagdakip kay Duterte at dinala sa International Criminal Court sa The Hague noong Marso para sa kinakaharap nitong kaso na crimes against humanity kaugnay sa nangyaring patayan sa war on drugs campaign ng dating administrasyon.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News

