Muling inilunsad ng Manila City Jail ang Libreng Pabalat ng Aklat Program ngayong pasukan.

Ayon kay MCJ Male Dormitory JSupt. Lino Soriano, bahagi ito ng kanilang taunang inisyatiba para sa Brigada Eskwela.

Layon ng programang makatulong ang Bureau of Jail Management and Penology at mga PDL sa mga magulang upang mabawasan ang gastusin sa pagbili ng mga plastic cover at makabawas sa oras ng trabaho sa paghahanda ng mga gamit ng mga estudyante.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang Amado V. Hernandez Elementary School, P. Guevarra Elementary School, at Timoteo Paez Elementary School.

Target nilang makapagbalot ng 10,000 libro bago ang pasukan sa susunod na linggo.

Katuwang ng mga PDL sa pagbabalot ng libro ang mga dalaw nila.

Sinabi ng MCJ na nagbigay sila ng dagdag oras para sa mga dalaw upang makatulong sa pagbabalot ng libro. — Luisito Santos/VBL, GMA Integrated News