Sinabi ng isa sa mga akusado sa kaso ng nawawalang mga sabungero na si Alyas "Totoy," na may kinalaman umano sa 'piniratang' online sabong broadcast ang dahilan sa pagdukot at pagkawala ng master agent ng online sabong na si Ricardo Lasco Jr., noong 2021 sa Laguna.
Sa exclusive report ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, binalikan ang mga pangyayari noong Agosto 2021 nang kunin ng mga armadong lalaki mula sa kaniyang bahay sa San Pedro, Laguna si Lasco.
Mula noon, hindi na muling nakita ang biktima na 44-anyos nang mawala.
Kabilang si Lasco sa 34 na sabungero na nawawala sa nakalipas na apat na taon. Kabilang naman si Totoy sa mga inaakusahan na may kinalaman sa kaso, na nagsisimula nang magsalita tungkol sa kaniyang nalalaman upang mabigyan umano ng hustisya ang mga biktima.
Ayon kay alyas Totoy, may nag-utos sa kaniya na ipadukot si Lasco. May grupo umano siyang kinausap at binayaran ng halos P2 milyon para isagawa ang pagkuha sa biktima.
Sinabi ni Totoy na ipinadukot si Lasco para pigain umano tungkol sa pagpirata sa online sabong broadcast.
Hindi niya muna sinabi kung sino ang nagpadukot kay Lasco at anong grupo ang kinausap niya.
May video rin umano si Totoy na nagpapakita habang hawak si Lasco ng mga taong dumukot sa kaniya.
Sa isinagawa noon na imbestigasyon ng pulisya sa Laguna, natukoy ang nasa likod ng pagdukot kay Lasco at tatlong pulis ang nakasuhan.
Nitong Huwebes, nakausap din ni Totoy sa telepono ang pamilya ni Lasco, pati na ang pamilya ng ilan pa sa mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Totoy sa ina ni Lasco na malabong buhay pa ang biktima.
"Pasensiya na kayo 'nay at masakit din para sa akin na mawalan ng pamilya. Pero 'nay ako ang susi ng lahat at... makamit ninyo ang hustisya," ayon kay Totoy.
Masakit man sa pamilya ng mga nawawalang sabungero na malaman na posibleng patay na ang kanilang mga kamag-anak, nabuhayan naman sila ng pag-asa na makakamit nila ang hustisya dahil sa mga nalalaman ni Totoy.
Nitong Miyerkules, inihayag ni Totoy na sa Taal Lake itinapon ang bangkay ng mga nawawalang sabungero, na pawang dinukot dahil sa hinalang nandaraya sila sa sabong.
Pinatay umano ang mga ito sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang tire wire.
Si Charlene Lasco, kapatid ni Ricardo, nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na atasan ang mga kinauukulang ahensiya na magsagawa ng imbestigasyon mula sa mga nalalaman ni Totoy.
Nanawagan din siya sa bagong PNP Chief na si Nicolas Torre, na magpatawag ng case conference tungkol sa kaso ng mga nawawalang sabungero. -- GMA Integrated News
