Mapapanood sa Netflix ang "Pagtatag" documentary ng P-pop Kings na SB19.

Sa listahan ng mga bagong ipalalabas sa naturang streaming app, nakasaad na July 23 ang release date ng “Pagtatag.”

Sa direksyon ni Jed Regala, ang "Pagtatag! The Documentary" ay sumasalamin sa paglalakbay ng SB19 sa panahon ng kanilang Pagtatag EP — ang ikalawang bahagi ng kanilang EP trilogy.

Sa panahong iyon, iniwan ng SB19 ang dati nilang management na ShowBT at itinatag ang sarili nilang kumpanya na 1Z Entertainment. Kinailangan nilang ipaglaban ang karapatang gamitin ang kanilang pangalan, at hinarap ang mga nakansela nilang show sa kanilang world tour dahil sa naturang isyu.

Unang ipinalabas sa mga sinehan ang "Pagtatag! The Documentary" noong nakaraang taon. Nagkaroon din ito ng mga screening sa Hong Kong, Singapore, United Arab Emirates, United Kingdom, at sa Osaka Asian Film Festival sa Japan.

Kasalukuyang nasa Taiwan ang grupo bilang paghahanda sa kanilang konsiyerto sa Taipei, na bahagi ng kanilang Simula at Wakas world tour bilang suporta sa kanilang EP na may kaparehong pamagat.

Ang SB19 ay binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin. Ilan sa sikat nilang kanta ang "Gento," "Dam," at "Dungka."—FRJ, GMA Integrated News