Timbog ang isang 28-anyos na lalaki matapos siyang mangholdap at tumangay ng P20,000 na kita ng isang kainan sa Sauyo Road sa Novalichez, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isinilbi ng pulisya ang arrest warrant sa suspek na isang construction worker sa kaniyang bahay sa Barangay Sauyo.
Wanted siya sa kasong robbery matapos niyang holdapin umano at ng kaniyang kasabwat ang isang kainan sa Sauyo Road noong Enero, batay sa imbestigasyon ng Talipapa Police Station.
“Pinasok ho nila itong kainan gamit ang baril at kaniyang isang kasamahan at puwersahang kinuha itong P20,000. Itong ating akusado ay mailap at ito ay palipat-lipat na lugar kung saan meron kaming confidential informant na nagturo sa amin ng kaniyang kinararoonan,” sabi ni Police Captain Darwin Pua, Talipapa Police Station Duty Officer.
Una sa Most Wanted Persons List ng QCPD Station 3 ang suspek, na dati na ring naharap sa kaso ng pagsusugal, paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act at Anti-Carnapping Law.
Nakapag-return of warrant na ang pulisya at hinihintay na lang ang commitment order ng suspek mula sa korte. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
