Dalawang sakay ng pickup truck ang sugatan matapos silang barilin ng lalaking sakay ng kotse na nakagitgitan nila sa kalsada sa Tanay, Rizal nitong Linggo. Ang suspek, tumakas pero nadakip din matapos siyang habulin ng mga pulis.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Kutyo, at nalaman ng nagpapatrolyang mga pulis ang insidente dahil sa rider na nagbigay ng impormasyon.
Ayon kay Police Colonel Feloteo Gonzalgo, Provincial Director ng Rizal Provincial Police Office, inabutan ng mga pulis ang pickup truck na nakatigil sa gitna ng kalsada. May mga tama ng bala ng baril ang sasakyan, at may nakitang dugo sa loob.
Lumilitaw sa imbestigasyon, na nag-overtake umano ang kotse ng suspek sa pickup truck at tumama ang side mirror nito.
Bigla rin umanong tumigil ang kotse kaya nagkabangaan ang dalawang sasakyan. Dito na bumaba ang driver ng kotse na isang senior citizen at kinompronta ang mga sakay ng pickup truck, na humantong sa pamamaril.
Malubhang nasugatan ang driver ng pickup truck, habang nasugatan din sa paa ang isa pang sakay nito.
Kaagad namang hinabol ng mga pulis ang suspek hanggang sa abutan sa Morong, matapos ang nasa 15 minutong pagtugis.
Nakita sa loob ng sasakyan ng suspek ang isang baril, dalawang patalim, at isang blinker.
Tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag, pero sinabi ng pulisya na inamin nito ang krimen.
Mahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso. –FRJ, GMA Integrated News
