Isang babae ang nagtamo ng mga saksak sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan matapos siyang saksakin ng lalaking nangholdap sa kanya sa Taytay, Rizal. 

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing hinoldap ng 38-anyos na suspek ang 29-anyos na biktima habang naglalakad ito sa Samagta Floodway sa Barangay San Juan pasado 5 a.m. ng Lunes, ayon sa pulisya.

“‘Yung ating biktima, galing siya sa trabaho, isa siyang call center agent. So nu’ng dumating siya dito sa may bandang floodway, nilapitan siya nitong ating suspek at nagdeklara ng hold up. And then nu’ng nagpumiglas yung ating victim, doon niya na inundayan ng saksak gamit ‘yung ice pick,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Marlo Solero, hepe ng Taytay Police.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang biktima. Natangay sa kaniya ang isang cellphone.

Nadakip ang suspek na si alyas “JR” sa kaniya mismong bahay sa isinagawang follow-up operation ng Taytay Police.

“Na-trace natin, nakakita natin sa CCTV ‘yung mukha ng suspek. At ‘yun nga, nakuha, nahuli ng ating mga operatiba ‘yung suspek doon sa Barangay Muzon. And then na-recover din sa possession niya ‘yung mismong cellphone na tinangay niya doon sa victim,” sabi pa ni Solero.

Ngunit hindi na narekober ang ginamit na patalim ng suspek, na umamin sa panghoholdap. Ayon sa kaniya, ibebenta sana niya ang ninakaw na cellphone pantustos sa kaniyang pamilya.

“Gawa lang po ng pangangailangan. Iyon lang po noong araw na iyon na nagawa ko po ‘yun,” sabi ng suspek.

Naitapon umano ng suspek ang patalim sa isang ilog.

“Humihingi po ako ng sorry sa inyo ma'am dahil meron po akong tatlong buwan na baby. Tapos kailangan ko po ng pang-upa ng bahay. Patawarin niyo po ako,” sabi ng suspek

Batay sa mga rekord ng pulisya, dati na ring nabilanggo ang suspek dahil sa panghoholdap at illegal gambling.

Sasampahan ang lalaki ng reklamong robbery with frustrated homicide, habang sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ang pahayag ang mga kaanak ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News