Tinanong ng mga mamamahayag nitong Miyerkoles si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kung puwede ba niyang itanggi ang bali-balitang papalitan ng dating veteran print journalist na si Dave Gomez ang dating broadcast journalist na si Jay Ruiz, bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO).
''Hindi ko po made-deny, hindi ko rin po masasabing oo, o hindi. Dahil wala po sa akin pang nabibigay na anuman pong update,'' sabi ni Castro.
Ang malinaw aniya, si Ruiz pa rin sa ngayon ang acting chief ng PCO matapos na muling italaga ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. nitong nakaraang buwan.
Matatandaan na hindi naisalang sa plenaryo ng Commission on Appointment (CA) ang pagkakatalaga kay Ruiz bago nagtapos ang sesyon ng 19th Congress.
Mula sa pagiging dating mamamahayag sa print media na matagal na nag-cover sa pulitika--kabilang sa Kongreso at Malacanang-- naging corporate communications executive ng isang malaking kompanya si Gomez hanggang sa ngayon.
Nitong nakaraang buwan, kinumpirma ng isang impormante na inalok kay Gomez na pamunuan ang PCO pero humingi umano ito ng panahon na makapag-isip. Hindi binanggit ng source kung sino ang nag-alok kay Gomez.
Kamakailan lang, itinanggi ni Ruiz na ililipat siya sa ibang posisyon.
Hangga’t wala umano siyang natatanggap na utos, mananatili siya sa PCO.
''I'm serving at the pleasure of the President,'' ani Ruiz. ''Whatever happens, I will be forever grateful for the opportunity.'
Si Ruiz ang ika-apat na PCO chief sa mahigit tatlong taon ng administrasyong Marcos.
Unang naging PCO head si Atty. Trixie Cruz-Angeles, na tumagal lang ng ilang buwan, bago pinalitan ni Atty. Cheloy Garafil.
Noong September 2024, nagbitiw si Garafil at pumalit sa kaniya si Cesar Chavez, na nagbitiw naman kinalaunan nitong nakaraang Pebrero 2025, at si Ruiz ang pumalit. -- mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

