Mga sampal at pananakit ang inabot ng isang babaeng Grade 8 student mula sa kaniyang mga kaibigan nang magkaalitan matapos silang mag-cutting classes at mag-inuman sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video na nakatambay ang grupo ng mga Grade 8 student sa isang tent, na kuha ng isang nagse-cellphone sa gilid.
Ilang saglit pa, sinampal na ng isang babaeng naka-itim na pants ang kaniyang kaibigan na nakapulang palda, kaya napaupo ito. Ngunit ang iba pang mga kasama, nanood lamang.
“Wala naman akong kasalanan sa inyo,” sabi ng biktima.
Hindi pa tapos magsalita ang biktima, isa pang babae ang lumapit sa kaniya at bigla siyang sinampal.
Hindi pumalag ang biktima, ngunit hindi pa rin umawat ang mga kasama niya.
Nagtawanan pa ang mga nanakit habang nakaupo na lamang ang biktima at hindi na kumikibo.
May isa pang babae ang muling sumampal sa kaniya, kaya nilapitan na sila at inawat ng isang may-ari ng kalapit na tindahan.
Sa isa pang video, makikitang nakatayo ang magkaka-eskwela sa gilid ng halamanan at muli silang nagkaroon ng komprontasyon at tulakan.
Ngunit nataranta ang grupo at agad sinilip ang biktima, na nakahiga at nadaganan ng tumulak sa kaniya. Pinuntahan ulit sila at inawat ng may-ari ng tindahan.
Nakarating na sa alkalde ng Bambang ang viral na insidente na naganap noong Martes at agad niya itong pinaimbestigahan.
Ang mga video ay kuha ng isa ring kasama ng mga estudyanteng kita sa video.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-cutting o lumiban sa klase ang mga estudyante at nag-inuman malapit sa eskuwelahan.
Hanggang sa magkainitan sila at nauwi ito sa sakitan.
Sinabi ng Schools Division Superintendent na lima ang nanakit umano sa biktima at rekomendasyon ng mga awtoridad na ilipat sila ng paaralan.
May itinakda na rin silang counseling at debriefing para sa biktima at iba pang sangkot na estudyante.
Ayon pa sa mga awtoridad, pag-aaralan din nila ang reklamong cyberbullying dahil sa pag-upload at pagbabahagi ng video ng pananakit.
Sinabi ng pulisya, desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo.
Ipatatawag din ang opisyal ng eskuwelahan na nagbenta ng alak sa mga dawit na estudyante.
Ipinag-utos na rin ng LGU na siguruhing walang magbebenta ng alak sa mga menor de edad, batay sa kanilang ordinansa.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng mga sangkot sa insidente ngunit tumanggi silang mabigay ng pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
