Namatay sa leptospirosis ang isang binata na ilang araw na lumusong sa baha para hanapin ang kaniyang ama nang hindi makauwi ng kanilang bahay sa Malabon. Pero ang kaniyang hinahanap, hinuli pala ng mga pulis dahil umano sa paglalaro ng kara y cruz.

Sa ulat ni Nico Waje sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing tatlong araw na hinanap ni Dion dela Rosa, 20-anyos, ng Barangay Longos sa Malabon, ang kaniyang ama noong July 22, na kasagsagan ng pag-ulan kaya lubog sa baha ang maraming lugar.

Ayon sa ina ni Dion na si Jennelyn, hinatid ng kaniyang mister na si Jayson ang isa pa nilang anak na papasok sa trabaho.

"Kaya kami ng mga anak ko, nag-aalala kasi hindi gawain ng asawa ko na aalis na walang pasabi," sabi ni Jennelyn na wala rin umanong ibang dala ang kaniyang asawa, kahit cellphone.

Nilusong nilang mag-ina ang baha para hanapin ang kanilang padre de pamilya —sa Caloocan si Dion habang sa Malabon si Jennelyn.

Noong July 25, nahanap ni Dion ang kaniyang ama na nakakulong sa isang police substation.

"Bandang tanghali, dun nila nahanap si Jayson, may napagtanungan na pulis. Si Jayson, nadakip, dinala sa substation," ani Jennelyn, na sinabing hindi ipinaalam sa kanila na inaresto pala ito.

Ayon sa ulat, nahaharap sa kasong illegal gambling si Jayson matapos mahuli umanong naglalaro ng kara y krus.

Pero dalawang araw matapos mahanap ang ama, nilagnat si Dion at nanakit ang katawan.

Matapos kumain, natulog ito at hindi na nagising. Lumilitaw na cardiac arrest na may kinalaman sa leptospirosis ang kaniyang ikinamatay, ayon sa ulat.

Ayon kay Jennelyn, tinanong ng duktor kung may sugat si Dion. Nagkaroon umano ng alipunga ang binata dahil sa pagkakababad sa baha ng ilang araw.

Noong Agosto 2, pinakalawan na si Jayson, na ayon kay Jennelyn ay biktima ng "pangsakto" ng mga pulis ang kaniyang mister kaya hinuli.

Ang “pangsakto” ay paraan umano ng pulis na makamit ang kanilang “quota” ng inaaresto.

"Itinago ka ng tatlong araw, hindi man lang pinakontak sa pamilya, pero ang sabi n'ya pinapakontak naman daw sa pamilya, hindi naman kinukuha ang number," ayon sa ginang.

Pero paliwanag ng Caloocan police, madaling araw noong July 25 inaresto si Jayson. Hindi umano nila alam kung saan naglagi ang padre de pamilya sa nagdaang dalawang araw noong hinahanap nila ito.

"Nung malaman ng investigator natin may arrested tayong Jayson Dela Rosa, agad po n'yang ininform 'yung arresting officer na kung maaari kontakin ang kamag-anak," ayon kay Police Captain Romel Caburog, acting chief of the investigation section ng Caloocan Police.

Itinanggi niya na itinago ng mga pulis si Jayson, hindi rin umano totoo na may quota sila ng dapat arestuhin.

"Hindi po kami gumagawa ng ganung insidente na sinabi nilang pangsakto na kukuha kami ng kung sino sinong tao d'yan. Hindi po totoo 'yun," giit ni Caburog.

Gayunman, hindi rin nagtutugma kung saan nakulong si Jayson. Ayon kay Dion, nakita niya ang ama sa isang substation noong tanghali ng July 25, pero sa record ng mga pulis, nadetine si Jayson sa headquarters ng Caloocan police noong madaling araw ng July 25.

Sa ngayon, nais ng pamilya na mailibing nang maayos si Dion. – FRJ GMA Integrated News