Nasawi ang isang 51-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin habang nakatalikod ng dalawang lalaking mga anak na ang kaniyang turing sa Baseco Compound sa Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Walter Delmo, na nagtamo ng tatlong tama ng bala madaling araw ng Martes.
Sinabi ng pulisya na naalarma ang pulisya na nagpapatrolya matapos umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril sa bahagi ng Aplaya Sector 1.
Pinagplanuhan umanong patayin ng mga suspek ang biktima.
Nadakip ang gunman at ang itinuturong utak sa krimen sa tulong ng isang testigo, bagama’t hindi na narekober ang baril na ginamit sa pagpatay.
Sinabi ng live-in partner ng biktima sa pulisya na nagkaroon ng sama ng loob ang mga suspek sa biktima.
Nagpanggap pa ang dalawa na hihingi ng tawad sa kaniyang kinakasama noong araw na maganap ang pamamaril.
“Kaya sila pumunta. Pero kung titignan niyo, madaling araw, dalawang katao pupunta sa ano mo na alam mo naman may alitan din kayo. Siyempre, ito, 'yung mga pinlano na ‘yan. Tatlo sa likod tapos meron pa sa pisngi,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, commander ng Station 13 ng Manila Police District.
Isa sa mga tinitignang motibo sa pamamaril ang gulong may kinalaman sa ilegal na droga.
Tinitignan din ng pulisya ang posibilidad na may malalim na galit ang itinuturong mastermind, na kinontrata ang nagsilbi umanong gunman kapalit ng droga.
“Sinaway ni Delmo, itong si suspect 2 dahil nangunguha ng mga barya doon sa mga computer shop doon. Nagkaroon ng sama ng loob kasi napahiya 'yung itong si suspect 2 doon sa sinabi. Maaaring maraming tao noong sinabi ‘yun,” sabi ni Anicete.
Hawak na ng homicide section ng MPD ang dalawang suspek.
“Ewan ko po,” sabi ng itinuturong gunman.
“Hindi ko po alam sa kaniya kung ano po 'yung pinag-awayan nila. Siya po 'yung gumawa,” sabi naman ng itinuturong mastermind.
Nagpositibo sa paraffin test ang itinuturong gunman, ayon sa pulisya.
Sasampahan ng reklamong murder ang mga suspek at nakatakdang i-inquest nitong Miyerkoles. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
