Umabot na sa 104 ang pasyente ng San Lazaro Hospital sa Maynila na tinamaan ng leptospirosis dahil sa paglusong sa baha noong kasagsagan ng pag-ulan. Habang tumaas naman sa 13 ang mga pasyenteng nasawi.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga nasawi ang isang pasyente ng 16-anyos dahil sa acute renal failure dulot ng leptospirosis.

Ayon kay Dr. David Suplico, ng San Lazaro Hospital, maaaring ang pagdami ng mga pasyente ay bunga ng kakulangan ng kaalaman ng mga tao na may libreng gamot na prophylaxis sa mga government hospital at barangay health centers na dapat inumin ng mga taong lumusong sa baha.

“Hindi po nila alam na there is a prophylaxis po. Most of our 104 patients ay wala pong ininom na prophylaxis. Hindi po sila nabigyan ng doxycycline para pang-ano natin sa Leptospira bacteria,” sabi ni Suplico.

Ipinaliwanag din ni Suplico na ang leptospirosis, na dulot ng Leptospira bacteria na nasa ihi ng daga, ay maaaring makuha kahit walang baha.

“Ang paglakad-lakad lang sa lupa na nakapaa ay magkakaroon din ng leptospirosis, kung ang lupa ay naihian din ng daga na may Leptospira bacteria,” sabi pa ng doktor.

Gayunman, magagamot umano ang leptospirosis at maiiwasan ang pagkamatay kung maaagapan.

“Kung kayo po ay may history ng paglusong sa baha, nilagnat po kayo, pumunta na kayo sa hospital at magpa-check sa doktor,” paalala ni Suplico.

Sa kabila ng pagdami ng mga dinadala sa ospital dahil sa leptospirosis sa mga opisyal sa Metro Manila, sinabi ni Suplico na nagsisimula na itong mag-plateau o hindi na tumataas.

“May good news po ako sa mga kababayan natin, medyo nagpa-plateau na po ang leptospirosis. At ang naa-admit na po namin ay pababa na po nang pababa ang numero,” sabi ni Suplico.

Sa hiwalay na ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, iniulat na ginawa nang ward o puwesto ng mga pasyenteng may leptospirosis ang gym ng National Kidney Transplant Institute sa Quezon City.

Ayon sa pamunuan ng ospital, umakyat sa 50 ang lepto patients, at mahigit 20 pasyente ang nananatili sa gym. – FRJ GMA Integrated News