Ang aktres na si Nadia Montenegro, ang tinukoy sa inilabas na report mula sa Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), na tauhan ni Senador Robin Padilla, na sangkot sa insidente ng hinihinalang gumamit ng marijuana sa banyo ng kapulungan. Sa naturang report din ng OSSA, itinanggi naman ni Nadia ang hinala laban sa kaniya.

Base sa naturang report na may petsang August 13, napansin umano ng security personnel na si Victor Patelo ang dalawang magkahiwalay na insidente ng “unusual scent/odor allegedly emanating from the ladies’ comfort room near the Senators’ extension offices.”

Nangyari umano ang unang insidente noong ikalawang linggo ng July 2025 habang nasa puwesto si Patelo sa 5th floor ng Senate building. Nang panahong iyon, nakatanggap si Patelo ng tawag mula sa isang male staff member tungkol sa isang “strong odor in their area.”

“I proceeded to their office, where most of the staff confirmed the unusual scent. I then inspected the surrounding areas but did not observe anyone smoking,” saad ni Patelo sa report.

Nangyari naman ang ikalawang insidente noong August 12 sa kaparehong palapag ng gusali. Ayon kay Patelo, isang lalaki na nagpakilalang staff ni Sen. Ping Lacson ang may nalanghap na kakaibang amoy na galing din sa banyo ng mga babae.

“He claimed the odor resembled that of ‘marijuana’ and stated that the only person in the area at the time was allegedly Ms. Nadia Montenegro,” saad pa sa report.

Ayon kay Patelo, pinuntahan niya at tinanong si Nadia, na itinanggi naman na gumagamit siya ng marijuana. Sa halip, sinabi umano ng aktres na mayroon siyang “vape” na maaaring pinagmulan ng “kakaibang” amoy.

“Ms. Montenegro denied smoking inside the ladies' comfort room or using marijuana for that matter, but acknowledged possessing a vape in her bag, which she said could have produced the unusual scent reported earlier by Senator Lacson's staff,” patuloy ni Patelo sa report.

Una rito, iniulat na iniutos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na imbestigahan ang insidente. Nagsasagawa rin umano ng sariling imbestigasyon ang opisina ni Padilla.

Ayon kay Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr., binigyan ng OSAA ng naturang incident report ang tanggapin ni Padilla ngayong Huwebes.

Sinabi naman ng chief of staff ni Padilla na si Atty. Rudolf Philip Jurado, na hiningan na nila ng paliwanag ang kanilang tauhan na hinihinalang gumamit ng marijuana.– mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News