Nanumpa na ngayong Lunes bilang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) si Vince Dizon. Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na ireporma ang kagawaran, sinabi ni Dizon na iuutos niya na mag-courtesy resignation ang lahat ng mga opisyal nito mula sa pinakamataas hanggang sa mga district engineer.

Sa isang Palace press briefing, sinabi ni Dizon na ipatutupad niya kaagad ang kautusan sa susunod na araw.

“Aking i-execute immediately sa susunod na araw. Unang-una po, ang unang-una ko pong order na ipalalabas ay ang pag-order ng courtesy resignations top to bottom, Usec, Asec, division head, regional director, hanggang district engineer ng buong bansa. Ito ang unang-una po na order na gusto ipalabas ng ating Pangulo,” ayon kay Dizon.

Bahagi umano ito ng pagsunod niya sa utos ni Marcos na magsagawa ng “clean sweep” sa DPWH.

“Paglilinis, 'yan po ang unang-unang direktiba ng ating pangulo. Nag-usap po kami nang matagal kanina at ang sabi niya, linisin ang DPWH,” paliwanag niya.

Sasailalim umano sa masusing pagsusuri ang mga opisyal at tauhan matapos magsumite ng kanilang pagbibitiw para matukoy ang mga mahusay magtrabaho.

“Naniniwala sila na maraming mabubuti at magagaling na kawani ang DPWH. Ang utos ng ating pangulo, hanapin sila. At sila ang ilagay sa mga sensitibo at importanteng posisyon,” dagdag ni Dizon.

Kasabay nito, tiniyak ni Dizon na papapanagutin ang mga sangkot sa mga maanomalyang proyekto, gaya ng mga “ghost project.”

“Hindi magkakaroon ng mga ganitong klaseng proyekto kung walang kakuntsaba sa loob ng DPWH,” aniya.

“Kapag ang isang project ay guni-guni ika nga ng ating pangulo, ghost project, hindi puwedeng walang tao sa DPWH na nag-sign off sa proyektong ‘yan dahil lalo po 'yung sa halimbawa 'yung pinuntahan ng ating pangulo sa Bulacan, 'yung non-existent project. Pinakita pa po ng pangulo 'yung mga resibo na ibinayad sa mga contractor. Paano po nabayaran ang isang proyekto na guni-guni lang, na wala naman talaga?” sabi pa ni Dizon.

Ayon kay Dizon, hahanapin, aalisin sa puwesto, at kakasuhan kung sino man ang lilitaw na taga-DPWH na kasabwat sa naturang katiwalian.

Una rito, inihayag ng Malacañang na tinanggap ng pangulo ang pagbibitiw sa puwesto ni Manuel Bonoan bilang pinuno ng DPWH, na epektibo sa September 1, 2025.

Ayon kay Marcos, tinanggap niya ang pagbibitiw ni Bonoan dahil sa usapin ng command responsibility kaugnay sa mga kuwestiyonableng proyekto ng DPWH, kasunod ng mga naglalabasang ulat tungkol sa umano’y mga mahina at “ghost” na flood control projects. — mula sa ulat ni Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News