Kahit walang bagyo, inulan nang malakas ang ilang bahagi ng bansa at nalubog sa baha. Gaya sa Davao City na isang rider ang nahuli-cam na tinangay ng rumaragasang tubig kasama ang kaniyang motorsiklo.
Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing pinilit ng rider na suungin ang baha sa Barangay Mintal sa Davao City.
Pero natumba ang rider at tinangay siya ng baha kasama ang kaniyang motorsiklo sa ibabaw ng tulay. Mabuti na lang at may sumaklolo sa kaniya.
Ayon sa mga residente, barado ang mga kanal dahil sa ginagawang bagong tulay sa lugar.
Matapos na humupa ang baha, kaagad na nilinis ang mga naiwang dumi.
Sa Manay, Davao Oriental, isang footbridge sa ibabaw ng ilog ang tinangay ng rumasagasang tubig sa Sitio Mambusao, Barangay Taokanga. Wala namang nasawi o nasaktan sa insidente.
Sa Capalonga, Camarines Norte, ilang barangay din ang binaha, habang nagmistulang rumasagasang waterfalls ang tubig sa isang pababang kalye sa Barangay Pico in La Trinidad, Benguet.
Ayon sa state weather bureau na PAGASA, ang buntot ng low pressure area (LPA) ang nagpapaulan sa Mindanao, habang easterlies naman ang dahilan ng pag-ulan sa Luzon.
Inihayag din ng PAGASA sa “unlikely” na mabuo bilang bagyo ang LPA na nasa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa loob ng susunod na 24 oras.
Gayunman, magdudulot pa rin ito ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa gaya ng Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, at Camarines Norte.
Magiging makulimlim at maulan din ang iba pang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Nagbabala ang PAGASA laban sa posibleng flash floods or landslides. –FRJ GMA Integrated News
