Magbibitiw si Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa kaniyang puwesto sa Miyerkules at nanawagan sa kaniyang mga kasamahan sa House of Representatives na suportahan si Isabela Representative Faustino "Bojie" Dy III bilang kaniyang kapalit, ayon kay House Deputy Speaker at Antipolo Representative Ronaldo Puno.
"Magbibitiw na siya [bilang Speaker]," sabi ni Puno sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
"The Speaker said yesterday that he wants us to support Bojie Dy," dagdag ni Puno.
Aniya, bumaba si Romualdez sa puwesto para hindi madawit ang Kamara sa mga alegasyon na hindi nito kayang magsagawa ng independiyenteng imbestigasyon sa mga flood control project.
"If he will just go on leave, people will just say he is just using his position to influence the House. He will resign so it is clear cut," dagdag niya.
Naunang sinabi ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya na madalas binabanggit ng mga mambabatas na humihingi sa kanila ng komisyon sa mga proyekto ng gobyerno ang pangalan ni Romualdez at dating House appropriations panel chairperson Zaldy Co para mapabilis ang pagbabayad.
Gayunpaman, nilinaw ni Curlee na hindi siya nagkaroon ng direktang transakisyon kay Romualdez at binabanggit lamang ng mga humihingi ng komisyon ang mga pangalan ng Speaker at ni Co.
Sinabi ni Puno na sinuportahan ni Romualdez si Dy bilang kaniyang kahalili dahil si Dy ang isa sa mga deputy speaker at isa sa mga pinuno ng political party ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
"Congressman Dy has a good relationship with the House members, so it was expected that the Speaker asked us to support him. I would think the Speaker and [House] Majority Leader Sandro Marcos also discussed this and brought it before the President, and the President agreed," sabi ni Puno.
Nakipagpulong ang Pangulo kina Romualdez at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos nitong Martes ng hapon habang sinuspinde ang sesyon sa Kamara sa gitna ng mga napabalitang galawan na patalsikin si Romualdez, sabi ni Puno.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Puno sigurado na ang pagiging speaker ni Dy.
"Puwede naman siguro, karapatan naman nila 'yan. Libre naman mangarap. Pero majority na, ang tingin ko, nandito sa panig na ito (Dy)," sabi ni Puno nang tanungin kung may may gusto ring makipaglaban para sa speakership.
Nakita si Dy na pumasok sa loob ng opisina ng Speaker Miyerkoles ng umaga matapos alisin ng mga kawani ng Kamara ang mga gamit ni Romualdez.
Nang tanungin kung nakausap na niya ang Pangulo, ayon kay Dy: "Wala pa, hindi pa napag-usapan."
Pumasok din ang ibang mga pinuno ng Kamara sa loob ng Speaker's Office. Sinabi ni Assistant Majority Leader at Negros Occidental Representative Javi Benitez na gaganapin ang pagpupulong ng mga lider ng partido sa Miyerkoles ng umaga.
Sinuspinde ang sesyon ng plenaryo ng Kamara nitong Martes sa gitna ng mga usapin tungkol sa mga pagsisikap na patalsikin si Romualdez.
Tinanong noong Martes ng hapon kung mayroon silang sapat na numero para patalsikin si Romualdez, sinabi ni Navotas Representative Toby Tiangco sa mga mamamahayag na "the most important vote for Speakership is outside the House of Representatives."
Sumang-ayon si Puno kay Tiangco.
"That is why the Speaker went to the President and informed him of his decision to resign. So, yeah, definitely. Eh, ganu'n talaga. I mean, kahit sino namang Speaker sa House, 'pag hindi mo kasundo 'yung Pangulo, eh, walang mangyayari," sabi ni Puno nitong Miyerkoles.
Si Romualdez ang presidente ng namumunong partido na Lakas-CMD na mayroong 113 miyembro sa Kamara. —VBL GMA Integrated News

