Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang taong state of national calamity bunsod ng matinding pinsalang idinulot ng bagyong “Tino” sa mga lalawigan sa Visayas, alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa ilalim ng Proclamation No. 1077, inaatasan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na magsagawa ng tuloy-tuloy, agarang pagtugon at mga kritikal na hakbang para sa pagbangon ng mga lugar na labis na naapektuhan ng kalamidad.
“All concerned agencies and instrumentalities of the National Government are hereby directed to continuously undertake urgent and critical disaster response to save lives, reduce health impacts, ensure public safety and meet the basic subsistence needs of the people affected and to implement post-disaster recovery measures to ensure normalcy, and improve facilities, livelihood and living conditions of disaster-stricken communities, in accordance with pertinent operational plans and directives,” saad sa kautusan.
“All departments and other concerned government agencies are also hereby directed to coordinate with, and provide or augment the basic services and facilities of affected local government units, and facilitate private sector and international assistance, as may be necessary, in accordance with laws, rules, and regulations,” dagdag nito.
Matatandaang nauna nang inaprubahan ni Marcos ang rekomendasyong ideklara ang state of national calamity dahil sa pinsalang dulot ni Tino.
Batay sa datos ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 224 katao ang na nasawi dahil kay Tino, na pinakamarami ang mula sa Cebu na 158.
Samantala, iniulat ng Department of Agriculture (DA), na tinatayang ?159.14 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura, na nakaapekto sa 5,982 magsasaka. Nasa 6,578 metriko tonelada naman ang nawalang produksyon, at sumasaklaw sa 3,547 ektarya ng mga sakahan.
Kasama rin sa proklamasyon ang utos sa mga awtoridad at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng lahat ng kinakailangang hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga apektadong lugar.
Mananatiling epektibo ang state of national calamity maliban na lamang kung bawiin na ng Pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, maglalaan ang Office of the President ng ?760 milyong cash assistance para sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na labis na naapektuhan ng bagyong Tino. – Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA Integrated News
