Hinatulan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) nitong Huwebes ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa salang qualified human trafficking.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), dumalo si Guo sa promulgation online. Kasalukuyan siyang nakakulong sa Pasig City Jail Female Dormitory.
Sinabi ng PAOCC na hinatulan din ng Pasig RTC-Branch 167 ang kapwa akusado ni Guo na sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, at Walter Wong Rong.
Sila raw kabilang si Guo ang nakitang nagmamando ng trafficking sa Baofu compound, kung saan itinalaga ang 10-ektaryang tanggapan ng Zun Yuan Technology Incorporated. Dati nang naiugnay ang Zun Yuan sa iba pang krimen gaya ng online panloloko, torture, at cybercrime.
Guilty naman para sa acts of trafficking sina Wang Weili, Wuli Dong, Nong Ding Chang, at Lang Xu Po.
Inutusan ang bawat isang nagkasala na magbayad ng multang P2 milyon para sa bawat kaso, bukod pa sa mga reparasyon sa mga biktimang nagrereklamo.
Iniutos din ng korte ang pagkuha sa Baofu compound para sa gobyerno.
Kinasuhan sina Guo ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamyendahan ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
May kaugnayan ang kaso sa pagsalakay sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban noong Hunyo 2024, kung saan mahigit 800 Pilipino at dayuhan ang nasagip.
Noong Setyembre 2024, hindi umamin sa pagkakasala si Guo sa mga kaso. Sinabi ni Atty. Nicole Jamilla, isa sa kaniyang mga abogado, na mariing itinatanggi ng dating alkalde ang mga paratang laban sa kaniya. — VDV GMA Integrated News
