Naibenta sa isang pampublikong subasta na isinagawa ng Bureau of Customs (BOC) nitong Huwebes ng umaga ang tatlo sa pitong luxury vehicle na pagmamay-ari ng kontrobersiyal na mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, na nasa gitna ng iskandalo ng korapsyon sa flood control.
Nakalikom ang BOC ng kabuuang P38,211,710.00 matapos maibenta ang tatlong sasakyan sa Simplex Industrial Corp. at Lestrell Jewelries.
Ang Simplex Industrial ang nagwaging bidder para sa Mercedes-Benz G500 (2019) Brabus - na naibenta sa halagang P15500000 mula sa inisyal na floor price na P7843239.43 - at ang Mercedes Benz G63 AMG (2022) - na naibenta sa halagang P15,611,710.00 mula sa inisyal na floor price na P14,104,768.00.
Samantala, binili ng Lestrell Jewelries ang Lincoln Navigator (2022) sa halagang P7,100,000.00 kumpara sa inisyal na presyong P7,038,726.14.
Inaasahan ng Customs na makakolekta ng kabuuang P103,865,125.97 kung sakaling maibenta ang lahat ng pitong sasakyang pag-aari ng Discaya.
Dahil walang mga interesadong bidder, idineklarang "failed" ang subasta para sa Toyota Tundra (2022) na may inisyal na presyong P4,994,079.00, Toyota Sequoia (2023) na ibinebenta sa halagang P7,258,800.36, Rolls-Royce Cullinan (2023) na may presyong P45,314,391.11, at Bentley Bentayga (2022) na may presyong P17,311,121.93.
Bago nito, nagsagawa ng inspeksiyon sa pitong sasakyan sa Manila South Harbour, sa pangunguna ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
“Mas importante dito sa pera o pondo na maari nating makukuha ay ang simbolismo at pagpapahalaga natin na pag ikaw ay gumawa ng mali, ikaw ay manangot at ang pera ng bansa dapat mapakinabangan ng ating mga kababayan,” ani Nepomuceno.
Dumalo rin sa inspeksiyon sina Independent Commission for Infrastructure (ICI) chairperson Andres Reyes Jr., Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, at ang bagong hinirang na Finance chief Frederick Go.
“We are here today to restore what rightfully belongs to the people. This is justice in practice,” ani Reyes.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News

