Inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Biyernes sa Ombudsman ang pagsasampa ng mga kasong plunder, graft, at bribery laban kina Leyte Representative at dating Speaker na si Martin Romualdez at resigned Ako Bicol representative Zaldy Co.
Nagtungo sina ICI member Rogelio "Babes" Singson at DPWH Secretary Vince Dizon sa Tanggapan ng Ombudsman upang magdala ng mga kahon ng ebidensya laban kina Romualdez at Co.
Sinabi ni Dizon na sakop ng kanilang rekomendasyon ang humigit-kumulang P100 bilyong halaga ng mga kontrata ng gobyerno na nakuha ng mga construction company na Sunwest Corporation at Hi Tone Construction, parehong mga kompanyang may kaugnayan kay Co, mula 2016 hanggang 2025.
“Hindi namin sasabihing recommended kung wala kaming nakikitang basehan,” sabi ni Dizon.
Dagdag pa niya, binigyang-halaga din ng kanilang rekomendasyon ang mga sinumpaang testimonya na ibinigay sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee tungkol sa mga flood control projects, partikular na ang kay Orly Guteza.
"Isinama din po namin 'yung sworn testimonies sa Blue Ribbon hearings sa Senate related to both former Speaker Romualdez and former congressman Zaldy Co, specifically the testimony of Sgt. Orly Guteza because these are sworn testimonies under oath," saad ni Dizon.
Sa kabilang banda, hindi isinama ang video ni Co dahil hindi ito isang sinumpaang testimonya, ayon kay Dizon.
“Hindi namin isinama. We cannot include statements that are not sworn, that is the most important difference. Kaya ang na-include lang namin 'yung mga sinumpaang sinabi at 'yung Facebook video ni former congressman Zaldy Co, hindi po 'yun sinumpaan kaya hindi po namin 'yun pwedeng isama,” sabi niya.
Tinutukoy niya ang mga video na nai-post noong nakaraang linggo sa mga social media account ni Co na inaakusahan sina Marcos, Romualdez, at ilang miyembro ng Gabinete ng pag-oorganisa ng "insertions" umano na nagkakahalaga ng P100 bilyon sa pambansang badyet.
Hinimok ng kalihim ng DPWH si Co na bumalik sa Pilipinas para patunayan ang kaniyang mga paratang.
"Umuwi na siya," sabi niya.
Sinabi ni Singson na dalawang beses nang inimbitahan ng ICI si Co.
Sinabi ni Dizon na ang ugnayan sa pagitan nina Romualdez at Co ay may basehan dahil ang huli ay nagsilbi bilang House appropriations panel noong panahon ng panunungkulan ni Romualdez bilang speaker mula 2022 hanggang 2025,
Gayunpaman, tumanggi si Dizon na sagutin ang isang tanong kung sapat na ang kanilang rekomendasyon para sa paghahatol.
“That is the Ombudsman’s job [to determine],” dagdag niya.
Sa parte naman ni Singson, sinabi niyang hindi maaaring basta na lamang gamitin ng mga opisyal ng gobyerno ang regularidad ang mga operasyon ng gobyerno sa pagtatanggol ng kanilang mga sarili laban sa kanilang pagkakasangkot sa kaguluhan sa flood control.
“Hindi puwedeng maghugas kamay ang officials. Bakit? I will read, swearing to faithfully discharge their duties, bear true faith and allegiance to the Republic of the Philippines, and obey its laws and orders, and undertaking the obligation voluntarily. Walang pumilit sa kanila (Nobody forced them to do it),” sabi ni Singson, na tumutukoy sa panunumpa sa tungkulin ng mga opisyal ng gobyerno.
“Kaya tanggapin nila 'yung obligasyon. Tanggapin nila na kailangan silang sumunod sa mga batas. Hindi puwedeng hugas kamay dito. Otherwise, dapat hindi nila tinanggap yung responsibilidad,” dagdag ni Singson.
Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes na magsasampa ng mga kasong kriminal ang anti-graft body laban kay Romualdez kaugnay ng flood control mess sa susunod na anim hanggang siyam na buwan.
Noong Martes, nagsampa ang Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation laban kay Co, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways Region 4B, at mga direktor ng Sunwest Corporation.
Ito ang unang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga sangkot umano sa flood control kickback scheme.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. na maaaring sampahan ng mga kasong kriminal ng pandarambong at panunuhol sina Romualdez at iba pa dahil sa mga anomalya sa flood control projects.
“Nais kong [ipaalam] sa ating mga kababayan na ang ICI at saka ang DPWH ay lahat ng nakuha nila na impormasyon ay i-rerefer, ibibigay na sa Ombudsman para imbestigahan ng Ombudsman. Ito ay tungkol sa mga impormasyon ng dating Speaker Martin Romualdez at saka ni Zaldy Co,” sabi ni Marcos sa isang pahayag sa Facebook.
Itinanggi ni Romualdez ang pagkakadawit niya sa pagkuha ng mga komisyon mula sa mga proyektong pangkontrol ng baha gaya ng paratang ng mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee.
Noong Setyembre, itinanggi rin ni Co ang pagtanggap niya ng pondo mula sa flood control projects ng DPWH.
Matapos ang akusasyon ni Co, naglabas ng pahayag si Romualdez na itinatanggi ang umano'y pagkakasangkot niya sa mga maanomalyang government flood control projects.
“My conscience remains clear. Throughout this inquiry, no public official, contractor, or witness has pointed to any wrongdoing on my part. I do not wish to comment on the recent statements and allegations made by former Rep. Zaldy Co because these were not made under oath and do not hold water in the court of law,” aniya.
“I continue to trust the ICl, the DOJ, and the Ombudsman to evaluate all statements fairly and strictly on the basis of evidence. I remain ready to cooperate with any lawful process and I am confident that the truth will emerge through the proper institutions,” dagdag ni Romualdez.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News

_2025_11_21_08_56_11.jpg)