Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) ang mga post sa social media na ipinagbawal ng kagawaran ang pagdaraos ng Christmas party sa mga paaralan ngayong kapaskuhan.
“Fake news ang kumakalat na post tungkol sa umano’y pagtanggal ng Christmas Party sa mga paaralan,” saad ng DepEd sa post nito sa kanilang Facebook page nitong Linggo.
“Nilinaw ng DepEd na wala itong inilalabas na anunsiyo tulad nito,” dagdag nito.
Pinapaalalahanan din ng kagawaran ang publiko na maging mapanuri at i-report ang mga social media page na nagpapakalat ng maling impormasyon.
Para sa mga opisyal na pahayag ng kagawatan, hinikayat ng DepEd ang publiko na tingnan ito sa kanilang verified DepEd Philippines social media accounts at website.
Kamakailan lang, naglabas ng Malacañang na nag-aatas sa mga ahensiya ng gobyerno na gawing simple ang kanilang holiday at year-end party o celebrations sa harap na rin ng mga kalamidad na nangyari sa bansa ngayong taon.
"Bahagi ito ng pakikiisa ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. sa taumbayan na nakakaranas ng maraming pagsubok dulot ng sunod-sunod na sakuna sa bansa,” ayon kay Palace Press Office Undersecretary Attorney Claire Castro. – FRJ GMA Integrated News

