Bumulagta sa kalsada ang isang siklista matapos siyang barilin ng lalaking sakay naman ng motorsiklo sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa Maharlika Highway sa Barangay Dicarma noong Sabado, November 22, 2025.

Ayon sa pulisya, sakay ng bisikleta ang 52-anyos na biktima nang bigla na lang siyang barilin ng salarin na nakasakay naman sa motorsiklo.

Kaagad umanong tumakas ang salarin na may suot na helmet at jacket nang bumagsak sa kalsada ang biktima.

Ayon sa mga tricycle driver na naghihintay ng pasahero malapit sa pinangyarihan ng krimen, ilang putok ng baril ang nadinig nila, at nakita na lang bumulagta ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen.—FRJ GMA Integrated News