Patay ang isang lalaking guro matapos barilin habang nakikipag-inuman sa kaniyang kapitbahay sa Talavera, Nueva Ecija. Ang isang suspek, sumuko na batay sa imbestigasyon ng pulisya ay may gusto umano sa asawa ng biktima. Ngunit itinanggi niya ang mga paratang.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen noong Sabado ng gabi sa Barangay Población Sur.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag-inuman umano sa kapitbahay ng biktimang si Reynan Tiangco, 39-anyos, nang biglang sumulpot ang gunman at pinagbabaril ang biktima.
Tumakas ang mga salarin na sakay ng motorsiklo matapos isagawa ang krimen.
Isinugod naman sa ospital ang biktima pero hindi na siya umabot nang buhay.
Kinabukasan ng Linggo, sumuko sa mga awtoridad ang isang dating barangay kagawad na itinuro ng saksi na isa sa mga suspek at namataan umano malapit sa lugar kung saan pinatay ang biktima.
Lumalabas umano sa imbestigasyon na may gusto ang suspek sa asawa ng biktima. Ito ang pinaniniwalang motibo sa nangyaring krimen.
Pero itinanggi ng suspek ang paratang at sinabing sumuko siya para linisin ang kaniyang pangalan.
“Kaibigan ko pong tunay, kuya ang tawag sa akin at wala po kaming pag-aaway, pag-aalit. Nagtataka nga po ako sa nangyari,” ayon sa suspek, na dati nang nasangkot sa kasong frustrated homicide.
Ayon sa pamilya ng biktima, wala silang alam na kaaway nito kaya nanawagan sila ng hustisya.
Patuloy naman na tinutugis ang gunman.
Ayon kay Police Lt.Col. Rogelio Pacificar, hepe ng Talavera Police Station, kasong murder ang isasampa nilang kaso laban sa suspek.—FRJ GMA Integrated News
