Patay ang isang driver ng modern jeepney matapos siyang barilin ng salarin na nagkunwaring pasahero sa Antipolo City, Rizal. Ang krimen, nahuli-cam sa loob ng sasakyan.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa camera ng sasakyan na malapitang binaril ng salarin ang biktima.
Sinabi ng konduktor ng jeepney sa pulisya na namamasada sila noong madaling araw ng Biyernes, December 19, 2025, nang parahin sila ng salarin.
Pagsakay ng salarin sa tabi ng driver, nagtanong pa ito kung magkano ang pamasahe. Pero sa halip na magbayad, baril ang binunot nito at pinaputukan ang biktima ng dalawang beses.
Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo na walang plate number.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen.— FRJ GMA Integrated News
