Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes na malapit nang matapos ang trabaho ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), at idinagdag na inimbestigahan na nito ang mga kailangang suriin sa mga maanomalyang flood control project.

Sa isang panayam sa Mandaluyong City, sinabi ni Marcos na nakasalalay sa natitira pang mga gawain nito ang kapalaran ng ICI.

“Kung matapos na ‘yung trabaho nila, then we will see what they can do next. But they really are coming toward the end — lahat ng kailangang imbestigahan, naimbestigahan na nila,” sabi ni Marcos sa mga reporter.

“Maybe there are one or two other loose ends that they have to clear up,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Marcos na hindi pa siya nakakapagdesisyon kung magtatalaga ng mga bagong komisyoner matapos ang pagbibitiw nina Rogelio Singson at Rossana Fajardo.

“We haven't really decided on that yet. Again, it all depends on the work that ICI still has in front of them,” ani Marcos.

“‘Pag kailangan pa, then we will. But if the work is done, kung naibigay na lahat ng information sa DOJ saka sa Ombudsman, then the focus now of the investigation will go to the DOJ and the Ombudsman,” dagdag pa niya.

Executive Order 94

Inisyu ni Marcos ang Executive Order 94 noong Setyembre ng nakaraang taon, na bumubuo sa ICI bilang isang non-partisan fact-finding body na mag-iimbestiga ng mga iregularidad sa mga proyekto sa flood control at imprastraktura sa nakalipas na sampung taon.

Pinamumunuan ito ni dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr.

Kung maaalala, nagbitiw si Singson dahil sa isyu sa kalusugan at seguridad noong Disyembre 2025. Si Fajardo naman, sinabing natapos na niya ang trabahong dapat niyang isagawa.

Naging usap-usapan ang kapalaran ng ICI matapos sabihin ni ICI special adviser Rodolfo Azurin Jr. na hindi nakapag-refer ng reklamo ang komisyon dahil kulang ang bilang ng mga komisyoner.

Nagpahayag ng kaniyang paniniwala si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, isang abogado, na ang ICI ay mayroon pa ring kapangyarihan at awtoridad na magrekomenda ng mga kaso kahit na kulang ito ng mga komisyoner, at sinasabing kung may sapat na ebidensiya, maaari pa ring magrekomenda ang chairman nito ng pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang indibiduwal.

Mula nang mabuo, nakapaghain ang ICI ng hindi bababa sa walong referral sa Office of the Ombudsman, kaugnay ng gulo sa flood control. Kabilang dito ang mga referral laban kina dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Kinatawan ng Ako Bicol party-list na si Zaldy Co.

Ang mga referral ay ginawa upang irekomenda ang pagsasampa ng mga kaso o upang higit pang imbestigahan ang umano'y pagkakasangkot ng ilang opisyal ng gobyerno sa katiwalian.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News