Labinlima sa mga sakay ng roll-on/roll-off (RORO) ferry vessel na M/V Trisha Kerstin 3 ang kumpirmadong patay matapos lumubog ito sa Basilan nitong Lunes ng madaling araw.

Ito ang kinumpirma ni Basilan Governor Mujiv Hataman sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.

Nasa 317 na pasahero naman ang na-rescue na, ayon kay Hataman.

Patuloy pa ang rescue operation para mahanap ang 43 pang pasahero.

May sakay na 332 na pasahero at 27 crew members ang M/V Trisha Kerstin 3 nang lumubog ito 2.75 nautical miles northeast ng Baluk-Baluk Island, Basilan, ayon sa Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM).

Dakong 9:20 p.m. ng Linggo nang umalis sa Port of Zamboanga City ang M/V Trisha Kerstin 3 patungong Jolo, Sulu.

Hindi ito overloaded, ayon sa CGDSWM.

Nang makatanggap ng distress call mula sa Philippine Coast Guard (PCG) Sea Marshal onboard, agad na dineploy ng PCG ang BRP Tubattaha galing Zamboanga City para ma-rescue ang mga sakay ng RORO vessel.

Tumulong din ang ilang commercial vessel, ang Armed Forces of the Philippines, mga government agencies, at mga LGUs, ayon sa CGDSWM.

Ilan sa mga pasahero ang na-rescue ng Bantay-Dagat ng Barangay Baluk-Baluk, ayon kay Pilas Island, Basilan Mayor Arsina Kahing-Nanoh. Sila ay nai-turn over ng barangay captain sa Coast Guard-Basilan at sa mga malalaking barko ng Philippine Coast Guard.

Nag-post ng live video si Hataman sa kanyang Facebook account ng pagdating ng ilang survivor sa pier.

Samantala, walang oil spill na namataan sa lugar, ayon sa CGDSWM.

Ang M/V Trisha Kerstin 3 ay pag-aari ng Aleson Shipping Lines. —Peewee Bacuño/KG GMA Integrated News