May papapanagutin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ukol sa panibagong substandard na flood control project na nakita sa Naujan, Oriental Mindoro ni Governor Humerlito "Bonz" Dolor.
Ito ang tiniyak ni DPWH Secretary Vince Dizon sa panayam nitong Lunes ng umaga lalo’t completed na ang proyekto pero nasira.
Ani Dizon, ang New Big Four J ang kontratista nito na kailangang ipaayos pa ang nasirang imprastraktura.
“Kailangang panagutin ang contractor na 'yan. So siya magpapagawa, magpapaayos. Pero ngayon na nakita na natin na substandard din kasi 3 meters ulit 'yung sheet pile kamukha rin nu'ng sa Sunwest, eh kailangan imbestigahan na 'yan and most likely kakasuhan din natin ang mga involved,” ayon sa kalihim.
Pero kahit pa raw makumpuni ang proyektong nasira, hindi raw makakalusot sa pananagutan ang kontratista.
“Substandard eh. Iba 'yung nasira, iba 'yung issue ng substandard, at dahil doon may pananagutan,” giit ni Dizon.
Ang nasabing imprastraktura ay dalawang flood control projects sa Barangay San Andres sa Naujan na ininspeksiyon kamakailan ni Dolor.
Ito ay road dike at esplanade sa Mag-Asawang Tubig River sa Sitio 1 at 2 (isang proyekto) at Sitio 3 at 4 (isa pang proyekto).
Parehong hindi nasunod ng proyekto ang plano at sira pa ang bahagi nito. Kulang din ang kalidad ng sheet pile na ginamit, ani Dolor, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Lunes ni Darlene Cay.
Tinanong din si Dizon sa posibleng pagiging malapit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa kontratista.
“Posible kasi malapit si, na-establish na si former RD (regional director Gerald) Pacanan malapit kay Usec. Bernardo so posible. Hindi ako magtataka, posible. Wala tayong choice diyan kahit na nasa Witness Protection Program si Usec. Bernardo. 'Yung mga ganyang mga impormasyon, kailangan 'yang imbestigahan, at 'yan lahat isa-submit natin sa DOJ (Department of Justice) at saka Ombudsman,” sagot ni Dizon.
Katulad daw ng unang kaso ukol sa flood control project sa Mindoro, ang mga opisyal din ng DPWH regional office sa Mimaropa ang pumirma ng kontrata.
“Nakita ko na 'yung mga papeles. Sila former regional director (gerald) Pacanan din ang pumirma. Alam n'yo naman nakakulong na si former RD Pacanan. Pero ito na nga 'yung sinabi ko na patong-patong talaga 'yung mga kaso, so habang may nakikita tayong ganyan eh kakasuhan natin," sabi ni Dizon.
"Pero 'yung New Big Four J ngayon papadalan na ng demand letter to repair dahil subject ng warranty. Roughly nasa parang ang estimate ata ay nasa P20 plus million ang repair,” dagdag niya.
Patuloy daw na iniimbestigahan ng DPWH ang buong stretch ng flood control project sa Naujan dahil may iba pa raw kontratista na gumawa roon.
“'Yung buong stretch na 'yon, subject ng investigation 'yan. May Discaya rin kasi doon so lahat 'yon binubuo na 'yung mga investigation reports. So 'yun nga, 'yung suspetsa natin na talagang dinaya nila 'yung buong stretch na 'yan ay nako-confirm nitong bagong nakita ni Gov. Dolor," ani Dizon.
Kaya naman planong bumisita muli ni Dizon sa Mindoro sa mga susunod na linggo para maplano nang mabilis ang pagkukumpuni nito.
Isasama rin daw niya ang mga eksperto mula sa kanilang technical working group. —KG GMA Integrated News

