Sa kulungan ang bagsak ng isang 34-anyos na lalaki matapos mahuli-cam ang kaniyang panloloob sa isang ginagawang restaurant at pagtangay sa halos P30,000 na halaga ng videoke set sa Marikina. Ang suspek sinabing nagawa niya ito dahil sa gutom.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang pagsuot ng lalaki sa telang panakip sa gate ng ginagawang restaurant sa J.P. Rizal Street, Barangay Concepcion Uno hapon ng Lunes.
Tumambay ang lalaki ng halos pitong minuto. Kalaunan, inakyat na ng lalaki ang gate, pumasok sa restaurant at naglakad-lakad sa loob.
Habang nasa loob, may binuhat siyang isang kahon palabas ng gate.
Bumalik ang suspek at kumuha ng isa pang kahon. Nilusot ng lalaki ang mga kahon sa ilalim ng gate bago muling sumampa palabas ng restaurant.
Isinakay niya sa sidecar ang mga kahon saka umalis.
Ayon kay Celso Villanueva Jr, na bantay ng restaurant, gagamitin sanang pang KTV sa ginagawang hot pot restaurant ang natangay ng suspek na videoke set.
Bago nito, pumunta ang suspek sa lugar isang araw bago ang pagnanakaw para manghingi ng mga kalakal. Pumayag naman ang may-ari ng restaurant.
Kinaumagahan, bumalik ang lalaki para kunin ang mga natirang kalakal. Hapon nang manloob na at magnakaw sa restaurant ang lalaki.
“1:15 p.m., bumakod po siya diyan, tapos kinuha niya po ‘yung pang KTV set, mga amplifier, wireless mic. Sinira niya ang bakal doon na nakaharang. May box po kasi diyan sa labas, ang mga package na tinapon na rin. Doon siya dumaan,” sabi ni Villanueva.
Bumalik ulit sa lugar ang suspek umaga ng Miyerkoles para muling manghingi ng mga kalakal na karton.
“Pinipilit po ako pero tinatanggihan ko naman siya. Pero talagang pinipilit niya, parang gusto niya talagang pumasok. Hindi ko siya pinapasok kasi baka po mayroon siyang dalang kutsilyo. Kasi naka-jacket po siya,” sabi ni Villanueva.
Sinabi ng barangay na taga Barangay Tumana ang suspek, at dati nang nasangkot sa ilang insidente ng nakawan sa iba’t ibang lugar sa Marikina.
Pasado 1 a.m. ng Huwebes nang mahuli ang suspek matapos makita ng iba pang bantay ng ninakawang restaurant na nakatambay siya malapit sa establisimyento.
Narekober sa kaniya ang mga ninakaw na item mula sa pinagbentahan niyang kapitbahay sa Barangay Tumana.
“‘Di na siya selyado, bukas na 'yung kahon niya. Ginagamit na rin yata 'yung mic nila,” sabi ni Michael Santiago, executive officer ng Barangay Concepcion Uno.
Umamin sa krimen ang suspek na lasing noon at nagawa ang pagnanakaw dahil sa gutom.
“Lasing po ako tapos wala po akong kain. Binenta po doon sa lugar po namin, P500 lang po. Pinambili ko ng pagkain. Nanghihingi ako ng pasensiya sa kanila sa abalang ginawa ko po. Di na po mauulit,” sabi ng suspek.
Nakatakdang i-turnover sa pulisya ang suspek na mahaharap sa reklamong theft. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
