Nagwakas na ang laban ni Alexandra “Alex” Eala sa women’s singles sa Abu Dhabi Open makaraang matalo sa beteranong si Ekaterina Alexandrova, 6-3, 6-3, sa kanilang quarterfinals match nitong Huwebes.

Bago nito, tinalo ng 20-anyos na Pinay tennis star sina Zeynap Sonmez, 6-4, 6-3, at Aliaksandra Sasnovich, 2-6, 6-4, 7-6(5), sa nauna nitong dalawang laban.

Ginamit ng 31-anyos na si Alexandrova, at kasalukuyang world No. 11 sa ranking, ang kaniyang mas malawak na karanasan upang matalo si Eala, na kasalukuyang world No.45.

Mapapanood pa rin naman si Eala sa torneo kung saan sasabak pa siya sa quarterfinals sa doubles tournament kasama si Janice Tjen, ng Indonesia.

Magtutuloy-tuloy din ang pagpalo ni Eala sa Middle East dahil kasama rin siya sa mga maglalaro sa Qatar Open.

Sa kaniyang mga laban ngayong taon, umabot si Eala sa semis sa ASB Classic, pero maaga namang napatalsik sa Australian Open.

Sa katatapos lang na Philippine Women's Open, umabot siya sa quarterfinals pero nabigo kay Camila Osorio, na siyang naging kampeon sa torneo. —FRJ GMA Integrated News