Nabulabog ng malaking sunog ang mga residente sa Blk. 34, Barangay Addition Hills, Mandaluyong City na sumiklab kaninang pasado alas kuwatro ng madaling araw.
Dikit-dikit ang mga bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa ikalawang alarma.
39 na truck ng bombero ang rumesponde.
Samantala, kaniya-kaniyang likas ang mga residente. Marami sa kanila, walang naisalbang gamit.
“Sa kapitbahay po namin nagsimula yung sunog kasi marami pong karton na nakatambak. Mausok na po talaga gumanun na po yung apoy, wala na po kaming naisalba kahit ano. Masakit po kasi yung mga gamit ng anak ko sa school na kailangan po niya hindi po namin naisalba,” sabi ni Lea esparcia, isa sa mga apektadong residente.
“Nung nagising kami, sunog na talaga, di na namin makita, kinakapa-kapa na lang namin para makababa kami. Sa taas kami, sila sa baba kaya kami wala rin kami naisalba kahit isa kasi sobrang mainit na talaga,” saad naman ng isa pang nasunugan na si Emelyn Esparcia.
May iba naman na sinubukan pang I-revive ang mga inilikas na alagang hayop na aso’t pusa. Pero nasawi rin kalaunan..Vivian bigcas, apektadong residente:
“Yung tatlo kong aso naiwan sa baba baka patay na yun. Eto kasi aso to ng mga nangungupahan saken. Sinusubukan pa namin I-revive pero di na talaga naano eh. Malaking kawalan talaga mam kasi yung aso ko hindi ko tinuring na aso, pamilya namin yan kasabay namin yan mula nung maliit yan,” saad ni Vivian Bigcas.
Apat ang naitalang sugatan sa sunog na nagtamo sila ng minor injuries, ayon sa Bureau of fire Protection.
Abot sa sandaang pamilya ang apektado. Nasa apatnapung bahay naman ang natupok.
Tuluyang naapula ang sunog kaninang 6:40am. Aalamin pa ang sanhi at halaga ng pinsala nito. —VAL GMA Integrated News
