Nauwi sa disgrasya ang panunungkit ng bunga ng mangga ng isang lalaki matapos siyang makuryente sa Barangay Naguiddayan sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Glam Calicdan Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, gumamit ng aluminum pole ang biktima bilang panungkit sa bunga ng mangga.
Sa kasamaang-palad, aksidenteng nasagi ng lalaki ang high tension wire kaya siya nakuryente.
Naitakbo pa ang lalaki sa ospital pero hindi na siya umabot ng buhay.
Tubong Pangaisnan ang biktima, at nagtatrabaho bilang helper sa isang pagawaan sa nasabing lugar sa Ilocos. – FRJ GMA Integrated News
