Isang jeepney driver ang nagtitiis na hindi na mananghalian para makapag-uwi ng P300 sa gitna ng 3-digit na ngayong presyo ng diesel ngayon na ginagamit sa jeepney. Ang mga transport group, umaaray na sa sobrang mahal ng mga produktong petrolyo.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing ito ang unang beses ni Tatay Elmer Tano na nakaranas ng ganitong pagtaas sa presyo ng langis sa tatlong dekada na niyang pagiging jeepney driver.

“Imbes na kumita sana ako ng mga P700 ngayon, P300 na lang mauuwi ko,” sabi niya.

“Dalawa na lang ako kumakain eh. Sa umaga lang, saka gabi na lang eh. Magmeryenda na lang ako sa tanghali. Kasi kung kainan pa, wala na. Kasi mahal ang bilihin na talaga ‘pag kumain ka eh,” pagpapatuloy ni Tatay Elmer.

Kumikita si Tatay Elmer ng P1,500 mula sa kalahating araw na pagmamaneho. Kalahating araw lamang siyang namamasada dahil dalawa ang drayber na nagshi-shift para magmaneho ng isang jeepney araw-araw.

Bawat isa sa kanila ay nagbabayad ng P450 para sa "boundary." Gumastos si Tatay Elmer ng mahigit P800 sa diesel para sa tatlo niyang round trips sa Project 2 at 3 papuntang Welcome Rotonda route, kaya naman P300 na lang ang kaniyang take-home pay.

Pagkakasiyahin na niya ang P300 para sa sarili niyang pagkain, pati na rin para sa allowance na ipinadadala niya sa Angono, Rizal para sa kaniyang asawa at anak na nag-aaral sa kolehiyo.

“Sabi ko, magtipid-tipid ka lang muna, nak.’ Hindi nga ako nagpadala ngayong linggo kasi siyempre. Minsan, P300 lang sumusobra ko. Sabi ko, hindi lang ako magpadala. Ipunin ko lang muna bago ko ipadala,” sabi ni Elmer.

Ayon pa kay Tatay Elmer, natutulog na lamang siya sa loob ng jeepney habang nasa Quezon City, dahil pakiramdam niya ay sayang lang ang pamasahe para lang makauwi sa Rizal.

Plano niya ngayong umapela sa kanilang operator na bawasan kahit papaano ang kanilang "boundary."

“Kasi 'yung boundary namin P900 talaga. Kahit P700 na lang, 'yung P200 para idagdag na lang sa diesel,” sabi ni Elmer.

May ilang linggo pa bago ang Semana Santa, ngunit tila maraming Pilipino na ang nagpepenitensiya dahil sa malaking pagtaas ng presyo ng langis.

Hindi na nagkakasya ang 3-digit na presyo ng diesel sa digital price board ng mga gasolinahan, at manu-mano nang ina-update ang mga presyo.

Ayon sa datos na nakalap ng GMA Integrated News Research, ito ang pinakaunang pagkakataon sa Metro Manila na lumampas sa P100 kada litro ang presyo ng diesel.

Kasalukuyang tugon ng gobyerno ang ayuda, o subsidiya sa gasolina na P5,000 bawat isa, para sa bawat drayber ng pampublikong sasakyan.

Pero sinasabi ng mga kagaya ni Tatay Elmer na hindi iyon ang kailangan nila ngayon.

“Kahit ibalik na lang sana sa P50 'yung diesel, kahit wala na kaming ayuda. Kasi 'yung P5,000, balewala lang yun. Sa araw-araw naming pagbiyahe,” sabi niya.

Gayunman, alam ni Tatay Elmer na ang digmaan sa Gitnang Silangan ang dahilan ng kasalukuyang pagtaas ng presyo ng gasolina. Hindi niya kailanman inakala na ang alitan sa pagitan ng malalaking bansa ay pinakamatinding tatama sa pinakamaliit na miyembro ng lipunan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, inihayag ng isang transport group ang pangamba na maapektuhan din ang kita nila sa pagtaas sa singil sa pamasahe.

“Sa loob ng 18 hours na biyahe, P300 lang ang naiuuwi ng ibang drivers. Sa amin lang, talagang nagsasaauli na po ng sasakyan, nagsu-surrender na po ng sasakyan ang mga drivers gawa ng pagkalugi at pagod,” ayon kay Jun de Leon, President, Laban TNVS.

Ayon naman kay Mar Valbuena, chairperson ng Manibela, na hindi rin sapat ang piso na dagdag-singil sa pamasahe sa traditional jeepney.

“Doon sap iso na ibinigay na fare increase, doon sa average na 16 na pasahero kada trip naming, kailangang magkaroon kami ng 7-8 trips para makaipon ng kahit P100, mga P115 para makakuha lang kami ng pambili, pambayad ng isang litro lamang (ng diesel),” saad niya.

Sabi naman ni Mody Floranda, President, Piston,  “Kung kami po ay nagko-consume ng P30 liters kada araw ay malutong po na P3,600 kada araw yung mapupunta lamang sa krudo. Ang tingin nila ay P5 para maibsan yung malaking halaga ng nawala sa kanila.” – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News