Nasawi ang isang lalaki matapos masaksak sa gitna ng kaguluhan na nag-umpisa sa suntukan sa Malolos, Bulacan. Ang krimen, nahuli-cam.

Sa ulat ni GMA Regional TV’s James Paolo Yap sa GMA News “Saksi” nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage ang isang lalaking nakabisikleta na huminto matapos mapansin ang isa pang lalaki na nakasuot ng itim na T-shirt sa Barangay Caingin, Malolos, Bulacan noong Linggo ng gabi.

Bigla niyang sinuntok ang lalaking nakaitim na natumba pero agad ding nakabangon at tumakbo palayo kasama ang isa pang lalaki.

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita na hinarap ng mga tumakbo ang humabol sa kanila at nagkaroon na ng suntukan.

Dumating naman ang isa pang lalaki na nakasuot ng jersey at hinarap siya ng isang lalaking nakahubad. Pero nang sumuntok ito, doon na siya nasaksak at napaupo sa gilid.

Ang biktima ng pananaksak, na kinilalang si Vincent Carl Soliman, na isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng malubhang saksak sa dibdib.

Hindi binangggit sa ulat kung ano ang pinagmulan ng kaguluhan.

Sa isinagawang follow-up operation, naaresto ang tatlong suspek, kasama ang dalawang menor de edad. Isa sa kanila ang sumaksak umano kay Soliman.

Dinala ang mga menor de edad na suspek sa City Social Welfare and Development ng Malolos.

Samantala, ang isa pang suspek na 23-anyos ay nasa kustodiya na ng Malolos Police Station.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong homicide. – FRJ GMA Integrated News