Maraming magsasaka sa Benguet ang palugi nang ibinebenta ang kanilang inaning gulay dahil sa sobrang suplay at epekto ng mahal na presyo ng mga produktong petrolyo. Ang ibang gulay na hindi na maibebenta, ipinamimigay na lang para hindi masayang.

Ayon sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing maraming gulay ang dinala sa La Trinidad Vegetable Trading Post subalit kakaunti lamang ang mga trader na bumibili.

Dahil walang bumibili, napilitan ang ilang magsasaka na katulad ni Fernan Galino, na ipamigay na lamang ang kaniyang aning gulay kaysa masayang.

“Talagang nakakadurog ng puso kasi lahat kung isipin mo, sayang pero wala tayong magawa e ganun talaga,” sabi ni Galino na may ani na mga pechay-Baguio.

Samantala, ibinenta naman ng magsasakang si Jessie James ang kaniyang mga repolyo sa mababang presyo.

“Maghihirap ka rin maglinis sa garden eh di mas maganda na, para at least mabili, makain ng mga tao kahit mabili ng mura ganyan,” pahayag niya.

Dagdag pasanin sa gastusin ng mga magsasaka ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kabilang na ang bayad sa transportasyon, paggawa, at pagkain.

Ayon sa isang trading association sa La Trinidad, bumaba ang presyo ng mga gulay dahil sabay-sabay ang pag-aani ng mga magsasaka, ngunit mas kaunti ang binibili ng mga trader.

“Meron kumpleto silang dating namimili nandiyan pa rin pero yung trak nila.. yung sampung tonelada ginawa nilang limang tonelada ang bibilhin,” sabi ni Mario Miguel, vice president ng Bagsakan Association.

Dahil sa mataas na presyo ng krudo, sinabi ng delivery driver ng gulay na si Jefrey Velasquez na tumaas ang gastos nila sa diesel para sa biyahe mula La Trinidad hanggang Metro Manila, na ang dating ₱16,000 ay umaabot na sa ₱35,000.

Dagdag pa niya, ang ibang mga mamimili, tatlong beses na lang sa isang linggo kung mamili sa halip na dating araw-araw para makatipid sa gasolina.

Nakikipagpulong na umano ang Department of Agriculture sa mga stakeholder sa industriya ng gulay sa Benguet upang hanapan ng solusyon ang naturang problema.

Isa sa mga iminungkahing solusyon ay ang pagsasaayos ng mga pasilidad ng imbakan upang maitabi ang sobrang ani at unti-unting maipamahagi ang produkto sa Metro Manila. – FRJ GMA News