Nabuko ang operasyon ng ipinagbabawal na online sabong sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa isang sabungan sa San Ildefonso, Bulacan. Labing anim katao ang arestado.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video ng Regional Special Operation Group PRO 3 na tila ordinaryong sabong lang sa unang tingin ang nagaganap sa isang sabungan.

Hanggang sa mabukong naka-livestream ang talpakan, na ipinagbabawal na.

Huli rin sa akto ang ilang tauhan ng sabungan na abala sa pagtanggap ng taya online.

"Bini-bidyohan nila ‘yung aktual na sabong sa sabungan, then nagla-live feed sila, at doon tumataya 'yung mga mananaya. Kailangan na subukan ng mga tao natin na tumaya, so doon may mga resibo na pinagtayaan,” sabi ni Police Brigadier General Jess Mendez, Director ng PNP Region 3.

“According doon sa mga nahuli natin, I think two weeks na sila nag-engage sa ganitong bawal na gawain,” dagdag ni Mendez.

Arestado ng PNP Region 3 at San Ildefonso Police ang 16 katao, kabilang ang mga nasa likod ng operasyon ng e-sabong. Kabilang pa sa mga dinakip ang isang nakapulang t-shirt na lalaki, na makikita rin sa video ng ruweda sa e-sabong.

Kumpiskado ang mga ginagamit na camera, computer at gadget sa online sabong, at tatlong baril.

“They're claiming na may mga naipresenta naman silang dokumento, firearms na licensed and PTC. Pero kahit may PTC ka, those firearms are not allowed na dadalhin mo sa mga lugar sa sabungan, hindi allowed ‘yun. Nakipag-ugnayan tayo immediately sa Firearms Licensing Office, sa FEO, at we requested na ipa-cancel ‘yung lisensiya nila,” sabi ni Mendez.

Sinabi ng Police Regional Office 3 na tuloy-tuloy ang operasyon nila laban sa mga nagsasagawa ng underground e-sabong sa Central Luzon.

Hindi pa nagbibigay ng kanilang panig ang mga inaresto, na sinampahan na ng reklamo, na mahaharap sa parusang anim na buwan hanggang 20 taon na kulong na may kasamang P500,000 hanggang P5 milyon multa, kapag napatunayang nagkasala. —Jamil Santos/VBL GMA News