Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes ng gabi na nadakip sa Prague, Czech Republic si dating Partylist Representative Zaldy Co – isa sa mga pangunahing personalidad sa flood control controversy.

Ginawa ni Marcos ang kumpirmasyon sa kaniyang mga post sa Facebook at X accounts.

“Nahuli na si Zaldy Co. He is now detained in Prague after crossing into the Czech Republic without proper documentation and is currently in the custody of Czech authorities,” ayon sa Pangulo.

Idinagdag ni Marcos na masusing nakikipag-ugnayan ang Philippine government sa Czech government, “to ensure that all legal processes are followed and to arrange for his return to the Philippines at the soonest possible time.”

“We will keep the public informed as developments unfold,” dagdag ni Marcos.

LIST: Mga taong may arrest warrant dahil sa kinakaharap na high profile cases

Dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list at dating chairman ng House appropriations panel si Co, na nahaharap sa mga kasong graft at malversation kasama ang 15 iba pa. Kaugnay ito ng umano’y substandard na flood control project na nagkakahalaga ng P289 milyon sa Naujan, Oriental Mindoro.

Noong Marso, pinagtibay ng Sandiganbayan ang deklarasyon na “ fugitive from justice” o nagtatago sa batas si Co.

Noong nakaraang Nobyembre, naglabas si Co ng mga video na inaakusahan si Marcos at ang pinsan ng pangulo na si dating Speaker Martin Romualdez, na nagsingit umano ng P100 bilyong sa pambansang budget.

Inakusahan din ng dating mambabatas sina Marcos at Romualdez na tumanggap umano ng hanggang P56 bilyong kickbacks mula sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.

Kapuwa itinanggi ng Pangulo at ng dating Speaker ang mga paratang laban sa kanila. Iginiit ni Romualdez na malinis ang kaniyang konsensya at handang humarap sa mga pagdinig. 

Sinabi naman noon ni Marcos na ayaw niyang bigyan ng pansin ang mga kasinungalingan ni Co.

Sa isang press briefing noong huling bahagi ng Nobyembre, hinamon ni Marcos si Co na umuwi sa bansa at harapin ang mga kasong may kinalaman sa iskandalo ng flood control laban sa kaniya.— FRJ GMA News