Sugatan ang dalawang bata na sakay ng isang slingshot ride matapos biglang maputol ang isa sa mga kable nito sa isang amusement park sa Seville, Spain.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang video ng pagputol ng isa sa mga kable, bago humampas ang ride sa posteng kinakapitan ng isa pang kable.

Halos matamaan naman ang mga taong nanonood mula sa ibaba.

Bukod sa dalawang bata, dalawa pa ang sugatan matapos naman tamaan ng debris, ayon sa mga awtoridad.

Ginagamot na ang apat sa health center, at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. – Jamil Santos/FRJ GMA News