Isang babae ang nasawi matapos na iluwal na mag-isa ang kaniyang sanggol sa inuupahang boarding house sa Cagayan de Oro City. Nakaligtas kaya ang kaniyang sanggol? Alamin.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nakita ng ibang residente ang biktima na duguan at wala nang buhay sa loob ng banyo ng boarding house sa Barangay Bulua.

Sa kuwarto naman nakita ang kaniyang duguan na bagong silang na sanggol na buhay.

Nakaligtas ang bata at nasa pangangalaga ngayon ng mga awtoridad.

Ayon kay Police Capt. Emilita Simon, spokesperson ng Cagayan de Oro City Police Office, walang nakikitang foul play sa pagkamatay ng babae.

Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na isinilang ng babae ang kaniyang anak na mag-isa, at siya na rin mismo ang nagputol sa pusod ng bata na maaari umanong naging dahilan ng pagdurugo.

Ayon pa sa awtoridad, mayroong kinakasama ang babae pero naghiwalay ang dalawa nang malaman ng lalaki na iba umano ang ama ng bata.

Sinabi ni Simon na hinahanap nila ang kaanak ng babae dahil pumanaw na ang mga magulang nito.—FRJ GMA News