Kumpiyansa ang isang miyembro ng House justice committee na makakakuha ang Mababang Kapulungan ng sapat na boto para i-impeach si Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isang news forum sa Quezon City, sinabi ni panel member Bicol Saro partylist Representative Terry Ridon na nakakuha na ang House justice panel ng 53 boto para makakita ng probable cause o sapat na batayan para ma-impeach ang ikalawang pinakamataas na opisyal sa gobyerno.
"Ang kailangan lang naman namin is 106 votes to impeach [Duterte] and to send it to the Senate. Tingin ko naman ay that is a number that will not be difficult to surmount at makuha," anang mambabatas.
Kailangan ng Kamara ng kahit isang katlo o 106 ng kabuuang kasapi nito na 318 para ma-impeach si Duterte.
"Kung ang minimum requirement lang ay 106, tingin ko hindi na 'yun mahirap gawin," ani Ridon.
"At the very best we would want to get at the very least 215 minimum number of votes, which is we had gotten the last time noong first impeachment hearing," dagdag pa niya.
Pebrero ng nakaraang taon nang i-impeach ng Mababang Kapulungan si Duterte na may 215 boto, na lumampas sa kinakailangang isang katlo na threshold o 102 boto, kaya naipadala ang Articles of Impeachment laban sa Pangalawang Pangulo sa Senado.
Gayunman, bumoto ang Senado noong Agosto 2025 na ipadala ang kaso ng impeachment sa archives, matapos ang desisyon ng Korte Suprema na idineklarang “unconstitutional” ang Articles of Impeachment dahil sa paglabag sa one-year bar rule at mga karapatan sa due process.
Sinabi ni Ridon na hahayaan ng House justice panel ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan na "decide for themselves based on conscience, based on the evidence presented."
Nitong Miyerkoles, nakakita ang House justice panel ng probable cause para i-impeach ang Bise Presidente, matapos ang apat na impeachment hearings na ibinunyag ang mga sumusunod:
- Ang ulat ng detainee na si Ramil Madriaga tungkol sa pamamahagi ng P125 milyong halaga ng confidential funds ng Bise Presidente sa loob ng 24 oras gamit ang mga cash delivery sa Laguna, Quezon City, at sa Tanggapan ng Ombudsman
- Pagpirma ni Madriaga ng bank secrecy waiver para patunayang wala siyang itinatago
- Akusasyon ni Madriaga na maaaring pinondohan ng Pharmally ang kampanya ni Duterte para sa pagka-Bise Presidente. Iniuugnay ang kompanya sa maanomalyang pagkuha umano ng gobyerno
- Pagsiwalat ng Commission on Audit (COA) na pinagtibay nito mismo ang notice of disallowance sa P73 milyong confidential funds noong 2022
- Pagtestigo ng mga kinatawan ng NBI sa mga pirma sa acknowledgement receipts ng confidential funds
- Pagkumpirma ni Gloria Camora, isang abogado ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng COA, na nag-isyu rin ang ahenisya ng tatlong notice of disallowance sa tatlong paglalabas ng confidential funds para sa OVP noong 2023 na nagkakahalaga ng P125 milyon bawat isa o P375 milyon sa kabuuan
- Ang mga testimonya ng iba't ibang resource person, tungkol sa "envelopes" at mga kaduda-dudang resibo, at iba pang mga pahayag
- Pagpapatunay ng Philippine Statistics Authority na walang mga record sa civil registry ng bansa ang mga recepient ng confidential funds gaya nina Mary Grace Piattos, Milky Secuya, at Kokoy Villamin
- Hindi pagdedeklara ng Bise Presidente ng anumang cash on hand o in bank sa ilalim ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth mula 2019 hanggang 2024
- Ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng pag-flag ng P6.7 bilyong halaga ng mga transaksyon sa bangko ng Pangalawang Pangulo at ng kaniyang asawang si Manases Carpio, bilang covered at suspicious mula 2006 hanggang 2025, na may inflow na umaabot sa P4.425 bilyon at outflow na umaabot sa P1.55 bilyon
- Ulat ng AMLC na mayroong “derogatory” record para sa Pangalawang Pangulo at kaniyang asawa
- Ulat ng AMLC na nagpapakita na pinaghihinalaan ang Pangalawang Pangulo sa 27 confidential reports na may petsang Agosto 2, 2024 hanggang Enero 29, 2026 dahil sa mga pinaghihinalaang aktibidad kasama ang drug trafficking at mga kaugnay na pagkakasala, graft and corrupt practices, at malversation of public funds and property kaugnay ng pagdinig ng House Quad Committee sa giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mga balita na nag-aakusa sa pagkakasangkot ng asawa ng Bise Presidente sa P6.4 bilyong importasyon ng shabu noong 2017, at mga balita tungkol sa maling paggamit umano ng confidential funds ng Bise Presidente
- Ang ulat ng AMLC na subject of suspicion ang asawa niyang si Atty. Carpio, ng 17 confidential reports mula Setyembre 14, 2017 hanggang Abril 25, 2025 dahil sa mga kahina-hinalang aktibidad sangkot ang drug trafficking at mga kaugnay na pagkakasala, at malversation of public funds and property in connection with the news reports on alleged his involvement in the PP6.4 billion shabu importation in 2017 and news articles in relation to his wife, VP Sara's, alleged misuse of confidential/intelligence funds"
- Kumpirmasyon ng AMLC na hindi bababa sa 18 transaksyon sa bangko na may kaugnayan kay Bise Presidente Sara Duterte at mga miyembro ng kaniyang pamilya, gaya ng nabanggit sa affidavit ng dating senador na si Antonio Trillanes IV, na tumutugma sa records ng covered at suspicious transaction reports
- Mga natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) na inciting to sedition at tatlong count ng grave threat, bukod sa iba pa, ang video mula sa isang press conference na nagpapakita na nagbabanta ang Bise Presidente Duterte na papatayin si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at mga miyembro ng pamilya nito sa ilang mga pagkakataon
Hiningian na ng GMA News Online ng komento ang defense team ng Bise Presidente para sa komento, ngunit hindi pa tumutugon sa oras ng pagkalathala.
Naghain ng hakbang ang panel ng Kamara na pagsama-samahin ang dalawang beripikadong reklamo sa ilalim ng isang Articles of Impeachment.
Maglalabas din ito ng committee report na ibibigay kay Duterte, sa mga nagrereklamo, at sa mga miyembro ng komite.
Magpapatuloy ang mga pagdinig sa Mayo 4, 10 a.m.
"Sa darating pong Lunes magkakaroon ng committee meeting to approve the committee report kasama na po doon ang Articles of Impeachment from the consolidated complaints, after which within the week, next week, mailalagay na po 'yun sa plenaryo for deliberation," sabi ni Ridon.
"Ibig sabihin, lahat ng miyembro mabibigyan ng kopya ng Articles of Impeachment annexes and evidence. Mabibigyan din ng kopya ang Pangalawang Pangulo bilang bahagi ng due process requirements ng Korte Suprema. So magkakaroon ng debate roon, malaya ang lahat na magtalakayan at makipag-debate on the committee report and Articles of Impeachment. And then there will be a vote," sabi pa niya.
Idinagdag pa ng mambabatas na "we will have to transmit it to the Senate and we have impeached the Vice President," sa susunod na dalawang linggo. — VBL GMA News

