Isang lalaki na tinaguriang “Cobra King” dahil hindi umano tinatablan ng kamandag ng ahas ang biglang nanghina at nawalan ng malay matapos siyang matuklaw ng alaga niyang king cobra. Nawala na kaya ng bisa ang kaniyang “bertud” at makaligtas kaya siya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang video ng tinaguriang “Cobra King” na si Danny Sebial, sa Hilongos, Leyte, na nag-a-agaw-buhay sa bisperas pa man din ng kapistahan ng Barangay Tagnate.

Dati nang naitampok sa KMJS si Sebial noong 2017, na may kakayahan umanong magpaamo ng mga ahas, pati na ang mga makamandag.

Nagsasagawa muna ng dasal si Sebial bago magpakagat sa labi at daliri. Tumanggi pa siyang magpaturok ng anti-venom noon at sa halip, sinipsip lang niya ang dugo at hinalikan ang isang prayer book na may mukha ni HesuKristo.

Napamangha rin ni Sebial ang kaniyang mga manonood nang tila pagsabungin niya ang mga alaga niyang sawa, isinabit sa kaniyang leeg, at ipinasok pa sa kaniyang damit.

Ang kaniyang final act, ang pagkumpol at pagbilog isang Samar Cobra at isang sawa, at saka niya ito isinubo.

Ngunit isang araw, bumisita si Sebial sa bahay ni Juvelyn Wasendo, at dDumaan sa bahay ng isa pang kakilala noong hapon din iyon para makipag-inuman. Dito, ibinida niya sa mga kainuman ang alaga niyang king cobra.

Ngunit nagkakagulo ang mga residente matapos mag-agaw buhay si Sebial nang matuklaw sa kaliwang kamay ng kaniyang alagang cobra.

“Medyo nakaramdam daw siya ng panghihina. Pinaupo siya ng mga tao, dali-dali siyang nag-orasyon sa kaniyang sarili. Hindi na tumalab. Siguro nagkamali siya ng bigkas sa kanyang orasyon dahil lasing na siya,” sabi ng saksing si Sherwin Vincent Lor.

Hanggang sa tuluyan nang mawalan ng malay si Cobra King, at dumating na ang rescue team.

Makaligtas kaya si Cobra King mula sa tuklaw ng alaga niyang King Cobra at bakit kaya tinablan siya ngayon ng kamandag na dati raw ay kaniyang kontrahin? Panoorin ang buong report at alamin din ang nararapat gawin kapag natuklaw ng ahas.—FRJ GMA News