Nahulog sa bangin sa Don Marcelino sa Davao Occidental ang isang truck na may kargang mga relief goods para sa mga nakaligtas sa magnitude 7.8 na lindol sa bayan ng Jose Abad Santos.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabi ng Police Regional Office-Davao (PRO-11) na galing sa Davao City ang truck at bahagi ng isang convoy ng mga content creator na naghahatid ng tulong sa mga biktima ng lindol.
Gayunman, iniulat na nawalan ng preno ang truck habang pababa at palikong na kalsada sa Sitio Sinugpang na dahilan upang mahulog ito sa bangin.
Nakaligtas ngunit nagtamo ng mga sugat ang driver at ang kaniyang pahinante. Nagkalat din ang mga relief goods na karga ng sasakyan.
Humingi naman ng pang-unawa ang mga content creator sa mga residente ng Jose Abad Santos dahil hindi na naipagpatuloy ang paghahatid ng mga tulong.
Sa kabila ng nangyari, nagpahayag pa rin ng pasasalamat si Mayor Jason John Joyce sa mga naglunsad ng inisyatiba upang makatulong sa mga naapektuhan ng lindol.—FRJ GMA News
