Isang 21-anyos na kolehiyala ang natagpuang duguan at wala nang buhay sa loob ng kanyang silid sa Barangay Poblacion, Sibonga, Cebu.
Ang suspek sa krimen ay ang dating nobyo ng biktima na isa ring college student, ayon sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado.
Ayon sa pulisya, apat na taon naging magkasintahan ang suspek at ang biktima.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, pumunta ang suspek sa bahay ng biktima dakong alas-otso ng umaga nitong Sabado habang kasama ng biktima ang kanyang kapatid.
Nang lumabas ang kapatid ng biktima mula sa kwarto, isinara at kinandado umano ng suspek ang pinto.
Hindi agad nabuksan ng kapatid ang silid ng biktima kaya humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay upang tumawag ng pulis. Pwersahang binuksan ng mga rumespondeng awtoridad ang kwarto, kung saan natagpuan ang biktima na wala nang buhay dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Natagpuan ding duguan ang lalaking suspek na, ayon sa pulisya, ay nagtamo rin ng mga saksak matapos saktan ang sarili. Dinala siya sa ospital at patuloy na nagpapagaling.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. — Lyjah Tiffany Bonzo/VBL GMA News
