Inanunsyo ni Naomi Osaka ng Japan nitong Miyerkules ang pag-atras niyang maglaro sa WTA Cincinnati Masters dahil sa pagod. Bunga nito, lalo pang mabawasan ang mga kalahok sa women’s field sa huling malaking torneo bago ang inaabangang US Open.
Naging maganda ang kondisyon ng four-time Grand Slam champion sa mga nakaraan niyang laro. Umabot siya sa semifinals sa Washington Open, at sa quarterfinals ng kasalukuyang WTA 1000 event sa Toronto.
Bilang 11th seed sa Cincinnati, may first-round bye sana si Osaka pero sadya raw na hindi siya handang maglaro para sa naturang torneo.
"I’m really sad to have to withdraw from Cincinnati this year due to fatigue," saad ni Osaka sa pahayag. "I love playing here and am looking forward to coming back and competing in Cincinnati next year."
Ito na ang ikalawang sunod na taon na umatras si Osaka sa Cincinnati. Noong nakaraang taon, hindi siya sumali dahil sa pagbabago ng schedule.
Huling naglaro ang 28-anyos na si Osaka sa Cincinnati noong 2024, nang matalo siya sa qualifying rounds habang nagbabalik sa kompetisyon matapos manganak.
Naging runner-up naman siya sa 2020 edition ng torneo nang matalo kay Victoria Azarenka.
Samantala, masasaksihan sa Cincinnati Open na magsisimula ngayong linggo ang Pinay tennis star na si Alex Eala, bilang No. 17 seed at nakakuha rin ng first-round bye.
Ito ang unang pagsabak ni Eala sa naturang torneo na nagsisilbing isa sa kaniyang mga huling paghahanda para sa US Open matapos siyang sumabak sa Canadian Open kung saan umabot siya sa Round of 16.
Sa Cincinnati Open, unang makakalaban ni Eala kung sino man kina Elena-Gabriela Ruse ng Romania at Magda Linette ng Poland, ang mananalo sa kanilang paghaharap Round of 128 ngayong Huwebes. — ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA News